Sa kaniyang murang edad, naranasan ng 14-anyos na si Analia ang ma-bully sa pamamagitan ng pagtawag kaniya na aswang, bakekang at binabato pa kung minsan dahil sa kaniyang sakit sa balat.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang balat ni Analia, na taga-Lanao del Norte, na maitim, makapal at natutuklap.
Dahil sa kaniyang kondisyon sa balat, hirap siyang igalaw ang kaniyang labi at kailangan din siyang alalayan ng kaniyang ina na si Nor-ain sa pagpaligo dahil sa may problema rin ang kaniyang kamay.
Nasasaktan si Analia kapag naliligo dahil natutuklap ang kaniyang balat at makati. Nagbibigay naman ng ginhawa sa kaniyang pakiramdam ang pinakuluang dahon ng bayabas na inilalagay sa kaniyang katawan.
Pagkasilang pa lang, sinabi ng ina ni Analia na nakita na nila ang problema ng anak sa balat.
“Noong ipinanganak ko po siya ay nagdurugo po ang kanyang balat, mainit at nangangati siya,” ayon kay Nor-ain.
Pangarap ni Analia na maging duktor, pero natigil siya sa pag-aaral dahil sa naranasang pambu-bully.
May mga bata rin sa kanilang lugar ang nambubuska sa kaniya at tinatawag siyang “aswang” at iba pa.
“Aswang dahil po sa itsura ko. Lumabas ako ng bahay at pinalo nila ako sa likod at umuwi ako. Binu-bully nila ako,” saad ni Analia.
Makalipas ng ilang taon, bumalik si Analia sa pag-aaral. Nagulat siya nang makitang tanggap na ng ibang mag-aaral ang kaniyang kondisyon.
Dahil sa hirap ng buhay, hindi pa naipasusuri sa duktor ang balat ni Analia kaya hindi nila alam kung ano kaniyang sakit.
“Napakahirap po, dahil wala po kaming pera, walang maipagamot sa akin,” ani Analia.
Sa tulong ng "KMJS" team, sinamahan si Analia na maipatingin kay Dr. Jema Bautista, na nagsabing mayroong genetic disease ang dalagita na kung tawagin ay "lamellar ichthyosis."
Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong kuwento ni Analia at alamin kung may lunas pa kaya sa naturang sakit ng dalagita. Panoorin.
--FRJ, GMA News