Kapag namatay ang isang tao, napag-uusapan ang posibleng maiiwan niyang pamana. Pero papaano naman kung mayroon siyang naiwang utang, mamanahin din ba ito ng naiwan niyang mahal sa buhay o maisasama niya sa libingan?

Sa "Kapuso Sa Batas" segment ng GMA's "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Atty. Gabby Concepcion, na hindi sa lahat ng pagkakataon ay namamatay din ang utang ng taong namayapa na.

Ayon kay Atty. Gabby, tulad sa mga naiiwang mana, kailangan munang pag-usapan kung papaano ito hahatian sa kaniyang mga naiwan.

Kasama na rin sa pag-uusapan ay kung mayroong mga legal na obligasyon na naiwan ang namayapa na kailangang resolbahin muna.

Halimbawa nito ay kung may hinuhulugang bahay o iba pang ari-ari sa bangko ang pumanaw.

“Pero may nakakausap din whether Pag-Ibig or the bank usually makakausap muna ito kung puwede bang bayaran. Kung may pera 'yung mga magmamana ay puwede na nilang bayaraan na nang husto ang utang, or sila ang mag-undertake at dapat i-continue ang pagbayad ng utang," ayon kay Atty. Gabby.

"Kung hindi nila kayang bayaran at wala ding sapat na pera na iniwan ang namatay na pera para punuan ang utang na 'to, usually ibebenta na ang bahay para bayaran ang utang," patuloy niya.

Sa ganitong mga sitwasyon, nakakatulong ang mortgage redemption insurance dahil ito ang magbabayad ng kaniyang mga utang.

"Para kung 'yung may inutang, meron mang mangyari sa kaniya, 'yung insurance ang magbabayad ng utang. Para naman 'yung may mga mahal sa buhay ay hindi na kaagad nananalig na, nako, baka mawalan sila ng titirahan," patuloy ni Atty. Gabby.

Pero pagdating sa personal na utang, karaniwang hindi ito mamanahin ng naiwan ng namayapa.

"Ang mga utang ay hindi namamana personally ng naiwang pamilya, pero kailangang bayaran ang mga ito gamit 'yung property na naiwan ng namatay," ani Atty. Gabby.

"Pero pagka may utang na naiwan, pero hindi naman sapat ang pera at property na naiwan, ay wala namang magagawa. Hindi naman hahabulin 'yung personal property ng mga naiwan na mahal sa buhay," sabi pa ng abogada.

"So, kung kulang at wala nang property 'yung [naiwan ng namatay], sorry na lang ang mga nagpautang, kasi hindi na nila to makukubra dun sa mga pamilya ng mga naiwan ng namatay," patuloy ni Atty. Gabby. — FRJ, GMA News