Sa panahon ngayon pandemic, hindi dapat maging choosy sa trabaho. Gaya ng tinaguriang “Mr. Ingrown” ng Davao City na walang kawala ang ingrown kahit patay ang kuko, at ang "Human Waze" ng Quezon City na ang bayad sa pagtatanong ng direksiyon--P5.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok si Sherwin na bukod sa pagiging parlorista't manikurista, isa rin siyang vlogger.
Aniya, hindi niya inakala na magiging trending ang video na ini-upload niya habang nag-aalis ng ingrown.
Ang iba, hindi maiwasang mandiri sa kaniyang trabaho sa pagkutkot ng mga kuko. Pero ang naturang trabaho ang naging daan para makapagpundar siya ng sariling parlor, nakabili ng motorsiklo at sariling bahay.
Sa Fairview sa Quezon City naman, no worry ang mga naliligaw kapag nakita ang "Human Waze" na si Ray dahil maaaring magtanong sa kaniya ng direksyon.
Iyon nga lang, may bayad na P5 ang mga magtatanong sa kaniya at P10 naman kapag gustong magpasama.
Pero paglilinaw ni Rey, sideline lang niya ang pagiging "human waze" dahil isa talaga siyang tricycle driver.
Sa Placer, Masbate naman, mayroong magkakapatid na ang pinakakakitaan ay ang pangunguha ng dahon ng lomboy para gumawa ng tigol o ang lagayan ng tabako.
Para makilala pa ng lubos ang mga nasa likod ng hanep na hanapbuhay, panoorin ang video.
--FRJ, GMA News