Para kay Angel na anim na taong gulang na isinilang na walang mga kamay at binti, superhero ang kaniyang 12-anyos na si Kuya Alfie, na mula sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.

Bukod kasi sa pinoprotektahan ni Alfie si Angel, gumawa rin ang kaniyang kuya ng "skateboard" mula sa recycled materials para magsilbing mga paa ng kaniyang kapatid.

“Gumawa ako ng skateboard. Dahil hindi siya makalakad,” saad ni Alfie sa "Kapuso Mo, Jessica Soho." “Inaalalayan ko siya para hindi siya matumba at para hindi siya mahulog.”

Kuwento ng kanilang ina na si Amalia, minsan ay nawawalan ng balanse si Angel kapag naglakad kaya natutumba.

Bukod sa walang mga kamay at binti si Angel, hirap din siyang makakain dahil sa problema sa kanilang bibig.

Hirap din siyang humingi at madaling pagpawisan kapag sobra ang init.

Ayon kay Angel, kung minsan ay tinutukso siya ng iba banta kaya napapaiyak siya. Ang kaniyang kuya naman ang magtatanggol sa kaniya.

“May times na magtago siya sa likod ng dingding, umiiyak. Magtingin siya sa salamin. Bakit ganun daw siya? Sobrang sakit parang pinipilas po 'yung katawan mo. Hindi ko alam kung anong masabi ko sa kanya,” ayon sa kanilang ina.

Dahil na rin sa kalagayan niya, hindi maiwasan ni Angel na mainggit sa kaniyang kapatid kapag nagsusuot ng pantalon at sapatos.

Pero bakit nga ba nagkaroon ng ganitong kondisyon si Angel? Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong kuwento.

--FRJ, GMA News