"Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Panginoong Diyos at lilinisin tayo sa lahat ng ating mga kasalanan. Sapagkat Siya'y tapat at matuwid. Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos at wala sa atin ang Kaniyang Salita". (1 Juan 1:9-10)
Napakahirap talagang paglabanan ang kasalanan. Wala yatang tao dito sa ibabaw ng mundo ang hindi nakagagawa ng kasalanan.
Sapagkat ang kasalanan ay nag-uumpisa sa anyo ng isang tukso. At ang tukso naman ay mahusay na magbalatkayo na maganda o mabango, o anupamang kaaya-aya sa paningin para madaling makabitag ng mga taong magkakasala.
Kung nag-a-anyong pangit at mabantot ang tukso, baka wala o kakaunti lang ang makasalanan.
Kaya ipinapaalaala sa atin ng Sulat mula kay San Juan (1 Juan 1:9-10) na bagama't nahuhulog tayo sa bitag ng pagkakasala, binibigyan tayo ng pagkakataon ng Panginoong Diyos na makabangon at magbalik-loob.
Pero bakit sinisikap ng demonyo na sirain niya ang ugnayan natin sa Panginoong Diyos? Bakit kaya hindi tumitigil ang demonyo hangga't hindi nasisira ang ating buhay dahil sa ating mga kasalanan?
Narinig ko sa isang mangangaral na marahil kaya ganoon daw ang ginagawa ng demonyo ay dahil inggit na inggit siya sa ating mga tao.
Dahil tayong mga tao, kahit paulit-ulit tayong nagkakasala ay paulit-ulit din tayong pinapatawad ng Diyos. Ngunit hindi naman ibig sabihin nito ay sasagarin natin ang kabaitan ng Diyos at gawing "unli" ang paggawa ng kasalanan.
Sapagkat kahit mapagpatawad Siya, bibigyan ka naman ng mga "pagsubok" sa buhay upang mapag-isipan mo ang ginagawa mong kasalanan. Kaya baka ang mangyari, kung "unli" ang paggawa mo ng kasalanan, maging "unli" rin ang problema o pagsubok na darating sa iyong buhay hanggang sa mapagtanto mo na itigil na ang ginagawa mong kamalian.
Ang pagpapatawad sa atin ng Panginoon ang hindi matanggap ng demonyo. Sapagkat nuong panahon na siya ay nagrebelde sa Panginoong Diyos at nais pa niyang agawin ang kapangyarihan ng Diyos, siya ay hindi pinatawad ng ating Panginoon.
Bakit kaya hindi napatawad ng Diyos ang demonyo? Tandaan lamang natin na mas minamahal ng ating Panginoon ang isang makasalanan na nagsisisi. Kaysa sa isang makasalanan na nagmamalaki at ayaw tanggapin sa kaniyang sarili na siya ay makasalanan.
Paano matatanggap ng Panginoon ang dating Anghel na Lucifer kung siya ay nagmamalaki at hambog? Wala siyang pagpapakumbaba. Sa madaling salita, ayaw niyang aminin at tanggapin sa kaniyang sarili na siya ay nagkasala.
Kaya mababasa natin sa Sulat ni San Juan na kapag tayo ay nagsisi at inamin ang ating mga pagkakasala, lilinisin ng Diyos sa lahat ng ating mga kasalanan sapagkat ang ating Panginoon ay tapat at matuwid. (1 Juan 1:9)
Nakikita ng Diyos ang ating ginagawa kaya wala tayong maililihim sa Kaniya. Aminin man natin o hindi ang ating mga kasalanan, hindi natin maipagkakaila ang ating mga kasalanan.
Ang tanging hinihingi sa atin ng Diyos sa tuwing tayo ay nakakagawa ng pagkakasala ay ang pagpapakumbaba sa pamamagitan ng pag-amin sa ating mga kasalanan.
Manalangin Tayo: Panginoon, humihingi po kami ng kapatawaran sa lahat ng aming mga pagkakasala. Nawa'y matutunan namin magpakumbaba sa tuwing kami ay nakakagawa ng kasalanan. AMEN.
--FRJ, GMA News