Ngayong panahon ng pandemya na madalas sa mga tao ang online transaction, nauuso rin ang mga modus ng mga kawatan tulad ng online phishing. Ano nga ba ang nararapat gawin upang ito'y maiwasan?
Sa "Sumbungan Ng Bayan," nagpayo si Atty. Charina De Vera-Yap sa mga kliyente o konsumer, na kailangan ingatan ng publiko ang kanilang credit cards.
"Tingnan at alamin, maging mapanuri rin. Huwag basta-bastang makikinig o magpapaloko sa scammers natin ngayon lalo na sa panahon ng pandemya," sabi ni Atty. Charina, Director, Consumer Empowerment Group, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa parte naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas, sinabi ni De Vera-Yap, na patuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa mga bangko at financial institutions para mas paigtingin pa ang security systems laban sa online fraud o mga scam.
Sakaling maging mabiktima, kaagad na ipagbigay-alam sa bangko ang nangyari upang magawan kaagad ng aksyon. At kung kontento sa aksyon ng bangko, maaari umanong idulot ang usapin sa mismong tanggapan ng BSP.
Meron ding financial literacy programs na maaaring daluhan ng publiko para malaman ang mga scam na dapat nilang iwasan.
"Kapag alam natin kung ano 'yung mga klase ng panloloko, mas mapoprotektahan natin 'yung mga sarili natin," sabi ni De Vera-Yap.
Panoorin ang buong talakayan sa naturang usapin sa video ng "Sumbungan ng Bayan."
--FRJ, GMA News