Hindi madali ang pagiging Alagad ni Hesus. Subalit kaya mo bang manindigan? (Mateo 10:16-23)
"Nasaksihan mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon.
Gayundin naman ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni HesuKristo ay daranas ng mga pag-uusig". (2 Timoteo 3:11-12)
Ang pagiging Tagasunod at Alagad ni Hesus ay hindi isang madaling gawain. Sapagkat ang sinoman na sumunod kay Kristo ay tiyak na makararanas ng mga pag-uusig, kritisismo at maaari siyang ipapatay.
Hindi na mabibilang sa daliri ang mga Kristiyanong nanindigan para sa kanilang pananampalataya. Ibinuwis nila ang kanilang buhay para lamang ipaglaban ang kanilang nag-uumapaw na pag-ibig at matibay na pananalig sa Panginoon.
Mababasa natin sa Mabuting Balita (Mateo 10:16-23) na winika ni Hesus sa kaniyang mga Alagad na isinusugo Niya sila na parang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. (Mateo 10:16)
Nais ituro ng Pagbasa na noong panahon ni Kristo at maging sa kasalukuyan, may mga sektor at grupo na lantarang sumasalungat sa turo at aral ng Simbahan.
Sinisikap ng mga grupong ito na puksain ang paglaganap ng Kristiyanismo partikular na noong panahon ng paghahari ng Roman Emperor na si Nero.
Kaya pinapaalalahanan ni Hesus ang kaniyang mga Disipulo na maging matalino kagaya ng ahas at maamo na kagaya ng tupa. (Mateo 10:16)
Sapagkat kaakibat ng pagsunod kay Hesus ang peligro. Matapos Niyang sabihin sa mga Alagad na sila ay dadakpin at isasakdal sa mga Kataas Taasang Kapulungan ng mga Judio at sila hahagupitin sa kanilang mga Sinagoga. (Mateo 10:17)
Kung tutuusin ay wala naman talagang propesyon o bokasyon ang madali. Ang lahat ng bagay na gagawin natin ay may kaakibat na hirap lalo na ang pagiging Alagad ni HesuKristo.
Ang ipinangako ni Hesus, ang sinomang susunod sa Kaniya ay magtatamo ng buhay na walang hanggan. Ngunit hindi Niya kailanman winika na ang sinomang susunod sa Kaniya ay hindi na makararanas ng paghihirap, pag-uusig at pagsubok sa buhay.
Sapagkat Siya mismo na Anak ng ating Amang nasa Langit ay dumanas din ng mga pag-uusig, panlalait, panghahamak at lahat ng uri ng panlilibak. Dahil sa pagsunod Niya sa kalooban ng ating Diyos Ama.
Hindi nais ng Diyos na tayo ay mapahamak sa kamay ng mga ganitong tao. Subalit batid ng ating Panginoon na tayo ay nabubuhay sa mundong ito na punong-puno ng pasakit dahil ito ang reyalidad ng ating buhay.
Gayunman, si Hesus bilang isang Mabuting Pastol ay hindi kailanman Niya hahayaang mapahamak ang Kaniyang mga tupa.
Dahil sinabi Niya sa Ebanghelyo na huwag tayong mabahala. Sapagkat sa gitna ng mga pag-uusig laban sa atin, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na magiging tagapagtanggol natin. (Mateo 10:19-20)
Hindi madali ang ating buhay pananampalataya. Subalit huwag sana itong maging dahilan upang talikuran natin ang ating Panginoon.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, bigyan Mo po kami ng katatagan para magpatuloy sa aming pananampalataya sa harap ng mga pagsubok at pag-uusig. Nawa'y lagi Kang naririyan upang kami ay ipagtanggol. AMEN.
--FRJ, GMA News