Maiiksi at magkadikit ang mga daliri at putol ang isang binti ni Jessica. Paniwala raw ng kaniyang ina, nangyari ito sa kaniya dahil ipinaglihi siya noon sa Spanish bread at kornik. Gaano nga ba katotoo ang paglilihi, at nakakaapekto ba talaga ito sa anyo ng bata?
Sa programang "Pinoy MD," itinampok ang kondisyon ni Jessica, na 29-anyos na ngayon. Ang kaniya namang tatlong-taong-gulang na anak na si Ezekiah, may iniinda ring kondisyon.
Si Jessica, bukod sa mga daliring magkadikit at putol ang isang binti, mayroon din tila bakas ng pagkakatali ang isa pa niyang binti na malapit sa bukong-bukong.
Dahil sa kaniyang kondisyon, nakaranas si Jessica ng pangungutya noong kabataan niya. Hindi naman siya nadala noon sa duktor dahil sa kahirapan ng kanilang buhay.
"Sabi po ng nanay ko noong ipinagbubuntis niya raw ako, ipinaglihi niya raw po ako sa spanish bread na tinapay po. Tapos 'yung sa mga kamay ko po na daliri, sa kornik daw po," sabi ni Jessica.
Ang anak naman niyang si Ezekiah, payat, mahina at bahagyang malaki ang ulo. Kaya naging palaisipan din ito kay Jessica.
Pero paliwanag ng obstetrician-gynecologist na si Dr. Paul Quillamor, hindi maaaring iugnay sa simpleng paglihi sa Spanish bread ang kondisyon ni Jessica, na napag-alaman na Amniotic band syndrome.
Alamin sa "Pinoy MD" kung ano ang Amniotic band syndrome, at ano ang mga posibleng magdulot nito. Ang batang si Ezekiah, napag-alaman naman na mayroong cerebral palsy. Panoorin ang buong kuwento sa video.
--FRJ, GMA News