Isang ginang ang dumulog sa "Sumbungan Ng Bayan" patungkol sa kaniyang mister na hindi na tumutulong sa gastusin sa kanilang anak pero nambuntis pa ng ibang babae.
Tanong ng ginang, ano nga ba ang puwedeng ikaso sa amang kinalimutan na ang responsibilidad sa kaniyang anak?
Dahil hindi malinaw sa tanong kung kasal o hindi ang nagtanong, ipinaliwanag ni Atty. Rowena Daroy Morales, dapat at kailangan alam ng kababaihan ang kanilang karapatan.
Mayroon umanong pagkakaiba sa batas pagdating sa karapatan at obligasyon sa babaeng kasal o legal na asawa, at sa babaeng hindi kasal o ka-partner lamang.
Gayunman, pantay-pantay umano ang karapatan at obligasyon ng lalaki o ng ama sa kaniyang mga anak.
At hindi lang daw materyal at pinansiyal na suporta ang dapat ipagkaloob ng ama sa kaniyang anak, kung hindi maging sa moral o emosyonal.
Ang mga ama na nagpapabaya sa kanilang mga anak ay maaari daw kasuhan ng kriminal sa ilalim ng Anti-Violence Against Women and Their Children Act.
Paliwanag ni Atty. Daroy Morales, hindi lang pisikal na pananakit ang kahulugan ng katagang "violence" sa batas, dahil mayroon ding tinatawag na "economic violence."
Bukod sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act, maaari ding kasuhan ang lalaki upang makakuha ng suporta sa ilalim ng family at civil code.
Tunghayan sa video ng "Sumbungan ng Bayan" ang buong talakayan sa usapin at ang iba pang payong legal na ipinakaloob ng programa. Panoorin.
--FRJ, GMA News