"Aking Anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan, huwag kang papayag. Tanggihan mo sila. (Kawikaan 1:10).

Lahat tayo ay binigyan ng Panginoong Diyos ng kalayaan. Malaya tayong makakapag-isip at malaya tayong makakapag-desisyon para sa ating sarili.

Biniyayaan tayo ng ating Diyos ng utak para mag-isip at magdesisyon kung anong uri ng buhay ang ating tatahakin.

Para malaman natin kung ano ang ibubunga ng paggawa ng mabuti at kung ano naman ang kahihinatnan ng paggawa ng masama, inihahayag ito sa kuwento nina Eba at Adan sa Lumang Tipan. (Genesis 3:1-20)

Kaya pinapaalalahanan tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Talata ng Kawikaan (Kaw. 1:10), na layuan natin ang lahat ng uri ng kasalanan na nagkukubli sa isang kaakit-akit na anyo.

Bagama't biniyayaan tayo ng Diyos ng talino, sa kasamaang palad naman ay marami pa rin sa atin ang nahuhulog sa kasalanan katulad ng nangyari kina Eba at Adan.

Sa kadahilanang ang kasalanan na nilikha ng Diyablo ay sadya niyang ginagawang kaakit-akit upang mahulog at maging alipin ang mga taong marurupok.

Kung pangit ang anyo ng kasalanan, sa tingin niyo ba ay papansinin pa rin ito ng mga tao? Kaya sadyang ginagawa ng Diyablo na gawing maganda, nakaaakit at mapanghalina ang kasalanan para mas madaling mabiktima ang sinoman na matutuksong gumawa ng hindi mabuti.

Hanggang sa hindi na namamalayan ng tao na alipin na siya ng kasalanan, at tuluyang mapapahamak ang ating kaluluwa.

Magiging malaya lamang tayo mula sa pagkaka-alipin, kapag nasimulan na nating makilala si HesuKristo at isusuko natin ang ating buhay sa Kaniya.

Kung tayo ay hihingi awa at saklolo mula sa ating Panginoong Hesus para iligtas tayo mula sa kapahamakan ng ating kaluluwa.

Mababasa din natin sa Sulat ni San Mateo (Matt. 7:13-14) na inaanyayahan tayo ni Hesus na pumasok sa makipot na pintuan na naglalarawan sa Kaharian ng Diyos. (Matt. 7:14)

Habang winika naman ni Kristo sa Pagbasa na maluwang at malapad ang daang papunta sa kapahamakan na alam nating naglalarawan sa Impiyerno.

Manalangin Tayo: Panginoon, maraming salamat po sa inyong paalala na layuan namin ang pagkakasala. Nawa'y huwag kaming mahulog sa pagkakasala. Ingatan niyo po sana kami. AMEN.

--FRJ, GMA News