Tularan natin si Hesus na nagpapakita sa Kaniyang puso. Ipakita din natin ang ating pag-ibig.
Sa pagdiriwang ng "Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus (Solemnity of the Most Sacred Heart of Jesus), mapapansin natin ang imahe ni Hesus na tangan-tangan ang Kaniyang puso.
Sa tuwing makikita natin ang imahe ng ating Panginoong Hesus na nagpapakita ng Kaniyang pusong nagniningning, tayo ay pinapaalalahanan na ipakita din natin ang ating puso sa ating kapuwa at mga taong nangangailangan ng ating pag-ibig, habag at malasakit.
Mababasa natin sa Ebanghelyo (Juan 19:31-37) na kaugnay sa ating selebrasyon ngayon, sinaksak ng mga kawal na Romano ang tagiliran ng nakapakong si Hesus upang siguraduhin na patay na si Kristo. (Juan 19:33-34)
Matapos nilang saksakin ang Kaniyang tagiliran sa pamamagitan ng sibat, agad na lumabas doon ang dugo at tubig. (Juan 19:34)
Ipinapakahulugan sa Pagbasa ang umaagos na pag-ibig at habag ng ating Panginoong HesuKristo para sa lahat ng tao. Mabuti man o masama ay Kaniyang iniibig nang walang pagtangi at walang diskriminasyon.
Nag-iisa lang ang puso ng ating Panginoong Hesus subalit ito ay punong-puno ng pag-ibig at awa.
Hindi gaya ng nakasaad sa isang awitin na nagnanais na dalawa sana ang puso, hindi na natin kailangan pa ang maraming puso upang magmahal at magmalasakit sa lahat.
Ang ating pananampalataya ay magiging makatotohanan lamang kung tulad ni Hesus ay ipapakita din natin ang ating puso o ang pagsasabuhay ng pag-ibig na natamo natin mula kay Kristo para sa mga taong nangangailangan ng tulong.
Madaling sabihin na nananalig tayo sa Diyos, subalit mahirap itong gawin kung hindi natin kayang magmahal ng ating kapuwa. Walang saysay ang isang pananampalataya na kulang sa gawa o hanggang salita lamang.
Inaanyayahan tayo ng pagdiriwang ngayon, na tulad ng puso ni HesuKristo na nasa gitna ng kaniyang imahe, ilagay din natin sa gitna ang ating puso.
Sa pamamagitan ng paglalagay ng ating puso sa gitna, maipapadama natin ang ating pag-ibig sa lahat ng panig nang walang itinatangi.
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, turuan N'yo po kaming maipakita din namin ang aming puso para sa mga taong naghihirap at nangangailangan ng aming tulong. AMEN.
--FRJ, GMA News