Naging viral online kamakailan ang video ng isang babaeng motorista na nanakit ng traffic enforcer matapos siyang hulihin dahil sa beating the red light at wala pang lisensiya sa Maynila. Ano nga ba ang dapat gawin kapag sinita ng enforcer at kailangan bang original copy ng OR/CR ang dalhin sa sasakyan?
"Unang-unang dapat na asal ng motorista ay siyempre, mahinahon, magalang... at itatanong niya, 'Ano ho ba ang violation ko?' Hindi kinakailangang manakit," sabi ni Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters' Safety and Protection sa panayam ng GTV "Balitanghali" nitong Biyernes.
Paliwanag ni Inton, "impoundable" ang sasakyan kapag wala o expired na ang lisensiya ng isang driver.
Kapag nahuli, sinabi ni Inton na kailangan lamang na ipakita ng motorista ang kopya ng OR/CR ng sasakyan sa mga awtoridad, at hindi na ang original nito.
"Ang required lang naman ng batas ay mayroon kang kopya ng OR/CR mo sa sasakyan. Hindi kailangan yung original," paliwanag niya.
Sa insidenteng nangyari sa babaeng motorista, pilit na kinukuha niya sang papel na hawak ng enforcer na tila OR/CR ng sasakyan.
"Kung xerox lang naman yung OR/CR na kinuha o iniabot niya [babae] sa enforcer na ayaw ibalik, aba'y bakit ka manggugulpi pa kung xerox yon," puna ni Inton.
"So ano ba yung ibinigay niya, original o xerox? Para maiwasan 'yan, ang payo natin sa mga motorista xerox po [ng OR/CR] ang dalhin," patuloy niya.
Pagdating naman sa mga nanghuhuling enforcer, ang deputized enforcer lang ng Land Transportation Office ang awtorisadong kumuha ng lisensya, o kaya ang mga awtoridad na isinaad sa ordinansa ng bawat local government unit (LGU).
Ayon sa Manila Public Information Office, nahaharap ang driver sa mga reklamo na direct assault at driving without license. Nakadetine na siya sa Manila Police District, Special Mayor's Reaction Team.
Panoorin ang buong talakayan sa video tungkol sa naturang paksa.
--FRJ, GMA News