Ipanalangin din natin ang mga dinapuan ng COVID-19 at ang mga taong naghihirap dahil sa pandemya (Juan 17:1-17).
Sa panahon na tayo ay may binabalikat na mabigat na problema tulad ngayong may pandemya, ang pananalangin ang maaari nating kapitan at sandalan. Sapagkat nadidinig ng Panginoong Diyos ang ating mga karaingan.
Sa ating Mabuting Balita (Juan 17:1-11), matutunghayan kung papaanong ipinanalangin ni Hesus sa Diyos Ama ang mga Disipulo Niya na Kaniyang iiwan dito sa daigdig sa pagbabalik Niya sa Kaharian ng Panginoon. (Juan 17:9)
Talagang napakaganda ng pakiramdam kapag may taong nananalangin para sa atin, lalo na sa mga panahong tayo ay nahaharap sa mabigat na pagsubok.
Hindi marahil maipaliliwanag ang lubos na kaligayang mararamdaman natin kung ang Panginoong Hesus mismo ang nagdadasal para sa atin.
Sa ating Ebanghelyo, ipinagdadasal ni Hesus ang kaniyang mga Alagad na iadya sila sa lahat ng masama. Sapagkat nakatakda na Siyang bumalik sa Kaniyang Ama at ang Kaniyang mga Disipulo ang maiiwan dito sa Sanlibutan upang ipagpatuloy ang Kaniyang Ministeryo.
Ipinanalangin ni Kristo ang Kaniyang mga Alagad dahil sa Kaniyang paglisan ay batid Niyang mahaharap ang mga ito sa mabibigat na pagsubok at hamon para ipagpatuloy nila ang pangangaral sa Salita ng Diyos.
Batid ni Kristo na hindi lahat ng tao ay nagbalik-loob na sa Diyos. Sapagkat marami pa rin ang naliligaw ng landas na kailangang akayin ng Kaniyang mga Disipulo patungo sa liwanag sa pamamagitan ng Ebanghelisasyon.
Kaya nananalangin si Hesus sa Kaniyang Ama na gabayan at ingatan ang Kaniyang mga Alagad upang mailayo sila sa mabibigat na pagsubok at kapahamakan.
Napakagandang pagnilayan na may mga taong nananalangin para sa atin. Hindi lamang para tayo ay makatanggap ng biyaya mula sa ating Panginoong Diyos, kundi ipinagdadasal tayo upang mailayo sa kapahamakan at ingatan tayo ng Diyos sa ating pang-araw araw na buhay.
Maraming tao ngayon ang nangangailangan ng dasal. Tulad ng mga taong nawalan ng hanapbuhay, nawalan ng pagkakakitaan, ang mga frontliner, ang mga dinapuan ng COVID-19 at ang mga taong nawawalan na ng pag-asa.
Ipinapaalaala ngayon ng Pagbasa ang paglalaan natin ng panalangin para sa ating mga kababayan na nahaharap sa mabigat na problema ngayong panahon ng pandemya.
Hindi man tayo makapagbigay sa kanila ng materyal na tulong, ang ipagdasal sila ay malaking bagay na para malampasan nila ang mabigat na pagsubok dahil hindi sila pababayaan ng Panginoon.
MANALANGIN TAYO: Panginoon. Nawa'y maipagdasal din namin ang aming kapuwa lalo na ang mga taong maysakit at mga naghihirap sa panahong ito ng pandemiya, na nawa'y maglaho na. AMEN.
--FRJ, GMA News