Pagkaduling, panlalabo ng paningin at pagkakaroon ng tila puting patse sa gitna ng mata -- ilan lamang ito sa mga sintomas ng Retinoblastoma. Ano nga ba ang cancer na ito sa mata na madalas na mga bata ang dinadapuan?
"[It is] most common intraocular malignancy in children. Though hindi naman siya very common, pero kung tumor sa loob ng mata ang pag-uusapan, Retinoblastoma 'yung pinakamadalas lalo na sa bata," sabi ng ophthalmologist na si Dr. Farlah Sevilla sa programang "Pinoy MD."
Ang Retinoblastoma ay nabubuo sa retina o lining sa mata na siyang dinaraanan ng liwanag para makakita ang isang tao.
Pero kapag naging abnormal at hindi nakontrol ang pagdami ng cells sa retina, maaaring itong magkumpol-kumpol at makabuo ng malignant o cancerous na tumor.
Cat's Eye Reflex o Leukocoria ang tawag sa pagkakaroon ng tila puting patse sa mata, na sintomas ng Retinoblastoma.
Kung patuloy na lumaki ang bukol sa isang batang may Retinoblastoma, maaaring lumuwa ang kaniyang mata.
"Hindi pa natin matutukoy kung ano talaga 'yung totoong cause ng Retinoblastoma, but we do know na it really involves mutation of genes, that is the RB1 gene," sabi ng oncologist na si Dr. Rachael Rosario.
Tunghayan ang kuwento ng batang si Zach na nakikipaglaban sa naturang karamdaman sa video na ito ng "Pinoy MD."--FRJ, GMA News