Para mapasaya ang anak na si Francine sa ika-anim na taong niyang kaarawan, nagpa-party ang kaniyang mga magulang na sina Francis at Jhenny kahit malayo ito sa kanila. Pero ang tanging hiling ang bata, makapiling niya ang kaniyang ama't ina, bagay na ikinadurog ng puso ng mag-asawa.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, napag-alaman na nasa Quezon si Francine, habang nasa Las Piñas naman ang kaniyang mga magulang para maghanap buhay.
Dahil sa pagdemic at para makatipid na rin sa gastusin, bihira kung makauwi ng Quezon ang mag-asawa kaya hindi nila nakakapiling ang anak, na nasa pangangalaga ng kaniyang tita.
“Sobrang sakit kasi hindi ko siya maalagaan. Sobrang ang sama ng loob ko kasi ang laking kasalanan ko bilang isang ina kasi hindi ko siya naalagaan nang maayos,” saad ni Jhenny.
Sa isang buwan, tatlong araw lang kung makita ng mag-asawa si Francine.
Ngunit kahit sa murang edad, nauunawaan naman ni Francine ang pagsasakripisyo ng mga magulang para sa kaniya.
Pero hindi niya mapigilan ang sarili na mangulila kapag nakaka-usap sa video chat ang kaniyang mga magulang.
Sa kaarawan ng anak, naglaan na lang sila ng panggastos upang makapag-party si Francine kahit hindi uli sila makakauwing mag-asawa.
“Nag-video call kami. Sabi ko, ‘Ikay, masaya ka ba?’ Ang sagot niya sa akin ‘Mas masaya sana ako, Daddy, kung narito ka.’ Kaya sumama yung aking loob,” pahayag ni Francis.
Dahil sa binanggit ng anak, naisipan ng mag-asawa na magbakasaling umuwi ng Quezon upang makadalo sa kaarawan ng anak at sorpresahin ito.
Gayunman, may pag-aalinlangan sila dahil na rin sa umiiral na community quarantine at hindi sila sigurado kung makalulusot sa checkpoint.
"Sabi ko naman sa asawa ko, ‘'Wag mo munang sasabihin na tayo ay uuwi kasi baka mamaya umasa siya na uuwi kami hindi naman kami makalusot sa mga checkpoint,“ ani Francis.
Makarating kaya sina Francis at Jhenny bago matapos ang party ng kaarawan ng anak? Panoorin ang nakaantig na kuwento sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News