Sa "Sumbungan Ng Bayan," humingi ng payo ang isang empleyado na apat na taong nagtrabaho pero bigla na lang inalis nang walang dahilan. Nalaman din niyang hindi hinuhulog ng kompanya ang kinakaltas sa kaniyang suweldo bilang kontribusyon.
Ayon kay Marlyn Perez, hindi raw hinihulog sa PhilHealth at Social Security System ang kinakaltas ng kompanya sa kaniyang sahod. Wala rin umano silang overtime pay sa 12 oras nilang trabaho.
Hindi rin umano kompleto ang 13th month pay na ibinigay sa kanila.
Payo ni Atty. Fatima Parahiman ng Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services (IDEALS Inc.), kailangan ng empleyado na magpunta sa mga ahensiya ng gobyerno na hindi hinuhulugan ng kaniyang employer para suriin ang kaniyang mga kontribusyon.
Kapag hindi ito updated, maaari siyang magsampa ng reklamo laban sa kaniyang kompanya.
Para naman sa umano'y illegal dismissal sa empleyado at hindi wastong pagbayad sa kaniyang overtime pay at 13th month pay, maaari siyang dumulog sa Department of Labor and Employment (DOLE) o National Labor Relations Commission (NLRC).
Panoorin sa video ng "Sumbungan ng Bayan" ang buong talakayan. -- FRJ, GMA News