Isang doktor ang nag-aalok ng "Home Service Tuli" para sa mga binatilyo ngayong may COVID-19 pandemic na limitado ang mga libreng tuli sa barangay at may pag-aalinlangan naman ang iba na magpunta sa ospital.
Sa "Pinoy MD," ikinuwento ni Dr. Jamille Mabalo na naisip niya ang konsepto nitong Marso para makatulong upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
"Instead na pupunta pa ang parents pati 'yung bata sa clinic or hospital, doktor na po 'yung pupunta sa mismong bahay nila for their safety lalo na ngayong pandemic," sabi ni Dr. Maballo.
"Mas mahirap ma-exposed, so bahay na lang po para hindi na rin mahirapan 'yung bata 'pag uuwi," dagdag ni Dr. Maballo.
"Goal ko is to lessen the people na lumalabas. Katulad nito, hindi naman ito emergency, this can be done anytime soon, kung kailan wala. At least ito they don't have to go, less exposure," paliwanag pa niya.
Sinisiguro ni Dr. Mabalo na protektado rin siya sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagsailalim ng swab test kada dalawang linggo.
Pagdating sa bahay ng kaniyang pasyente at bago isagawa ang proseso, nagdi-disinfect muna siya at magsusuot ng personal protective equipment (PPE).
Isa sa mga pasyente ni Dr. Mabalo si Amiro Amat, 13-anyos, na dalawang beses nang na-postpone ang pagpapatuli noong 2019.
Ayon sa ina ni Amiro na si Yasmin Amat, pursigido siyang mapatuli ang kaniyang anak kaya naghanap siya sa online.
Sinabi naman ni Amiro na mas gusto niyang gawin ang pagpapatuli sa bahay dahil mas kumportable ito at ligtas.
Tumagal ang proseso ng 45 minuto at kailangan ng ibayong pag-aalaga sa maselang bahagi ng katawan para gumaling ito nang tama.
Sinabi ng urologist na si Dr. Romeo Romero na dapat na magsuot ng maluwag na salawal ang mga pasyente at panatilihing tuyo ang lugar ng tinuli.
"Ginagawa rin ito medically to prevent urinary tract infection (UTI) or sexually transmitted diseases. Sabi ng mga eksperto nakaka-prevent din ito ng pagkakaroon ng penile cancer," sabi ni Dr. Romero.
Maaaring magkaroon ng phimosis ang mga hindi pa natutuli, na isang kondisyon kung saan sumisikip ang foreskin sa daanan ng ihi.
"Nagiging prone sila sa infection kasi nakukulong din 'yung ihi at 'yung mga sini-secrete na smegma ng glands. Dahil doon nagpapa-circumcise pa rin ang adults kasi may added benefits sa kanila 'yon," ayon kay Dr. Romero.--FRJ, GMA News