Ang kawalan ng internet at cellphone signal ang problema ng marami ngayon panahon ng pandemic sa distance learning. Pero nakaisip ng paraan ang mga guro sa isang lugar sa Misamis Oriental kung papaano nila matuturuan ang mga mag-aaral na nasa bahay sa aralin ng module--sa tulong ng walkie talkie.

"Yung walkie talkie na ideya, it all started with nagkakaroon kami ng problema sa communication. Dito po kasi sa amin walang mobile signal, wala pong internet. That is why the only way to communicate with the learning is really to go to the communities sa ngayon," pahayag ng gurong si Jarid Tambor, school-in-charge ng Kaulayanan Elementary School, sa programang "Stories of Hope."

Dahil pa rin sa pandemya, hindi rin pinahihintulutan ang mga guro sa lugar na magbahay-bahay para maghatid at magturo ng mga module.

"That time I was trying to do online shopping. Nakita ko po 'yung walkie talkie and it caught my attention. Sabi ko oo nga ano, hindi mo na kailangan ng load, hindi mo na kailangan ng signal. Parating may signal as long as andoon sa area na covered ng signal based sa capacity ng walkie talkie mo," sabi ni Tambor.

Sa ngayon, nakapag-issue ang Kaulayanan Elementary School ng 16 walkie talkie sa mga guro at mga magulang, na magagamit para makapagtanong tungkol sa mga module ng mga estudyante.

Gayunman, kulang pa rin umano ito para sa mga guro at mga mag-aaral kaya pinili na lang muna nila ang mga kailangang mabigyan.

Panoorin ang buong kuwento ng dedikasyon ng mga guro sa kanilang tungkulin, at ang pagpupursige ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang para sa edukasyon.

--FRJ, GMA News