Ang ating buhay dito sa mundo ay isa rin paglalakbay patungong Emaus (Lucas 24:13-35)

ANG buhay natin dito sa ibabaw ng lupa ay isang paglalakbay. Tayo na lamang ang mamimili kung anong direksiyon ang ating tatahakin.

Minsan din naman sa ating paglalakbay sa buhay, hindi maiiwasan na maranasan natin ang daang bako-bako na naglalarawan nang pagiging masalimuot ng buhay.

Kung minsan naman ay naglalakad tayo sa daang matuwid na ang ibig sabihin ay maayos ang takbo ng ating pamumuhay.

Ganito ang naranasan ng dalawang Alagad habang sila ay naglalakad patungong Emaus may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem (Lucas: 24:13-35). Nang lisanin nila ang Jerusalem matapos na ipako at "mamatay" sa krus ang kanilang Maestro at Panginoong si Jesus.

Nilisan ng dalawang Alagad (ang isa ay nagngangalang Cleopas), ang nasabing bayan dahil nabalot sila ng labis na kalungkutan dahil sa mga pangyayari sa Jerusalem.

Nawalan din sila ng pag-asa dahil si Jesus ang inaasahan sana nilang magpapalaya sa bayan ng Israel. Kaya minabuti na lamang ng dalawang Alagad ang takasan ang kapighatiang nangyari sa Jerusalem.

Mayroon ding ilan sa atin ang katulad ng dalawang Alagad, na sa halip na harapin ang mga problemang dumarating sa buhay ay mas pinipiling umiwas na lamang. Pakiramdam kasi nila ay wala nang pag-asa at kaya pinanghihinaan sila ng ng loob.

Hindi pinangalanan ang kasamahang Alagad ni Cleopas. Pero habang sila ay naglalakad patungong Emaus, lumapit sa kanila si Jesus bagama't hindi Siya nakilala ng dalawa dahil para bang natatakpan ang kanilang mga mata.

Minsan ay ganito rin tayo. Hindi natin agad nakikilala ang Panginoong Diyos dahil hinayaan natin na bulagin tayo ng kawalang pag-asa, kalungkutan at sobrang kapighatian sa buhay.

Kaya hindi natin nakikita at nararamdaman kaagad ang presensiya ni Jesus katulad nang nangyari sa dalawang Alagad.

Dahil sa kawalan nila ng pananalig, sinabihan tuloy sila ni Jesus na mabagal ang kanilang mga puso para sampalatayahanan ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga propeta. Hinayaan kasi nilang pangibabawan sila ng kawalang pananampalataya sa halip na sila ay magpakatatag.

Nang marating nila ang Emaus, inanyayahan nila si Jesus na tumuloy sa bahay nila na ang ibig sabihin ay ang imbitasyon na pumasok ang Panginoon sa kanilang buhay bilang Diyos at tagapagligtas.

Lalo na nang iabot sa kanila ni Jesus ang pinirasong tinapay na naglalarawan sa katawan ni Kristo bilang tinapay ng buhay na bumaba sa langit na matutunghayan natin sa Eukarestiya o Banal na Komunyon.

Dahil dito, namulat at nakilala ng dalawang Alagad si Jesus. Kapag tinanggap natin si Kristo sa ating buhay bilang Panginoon at tagapagligtas at kainin ang tinapay na sumisimbulo sa Kaniyang katawan, mamumulat din ang ating isipan at malalaman natin ang katotohanan na magpapalaya sa atin sa takot at kasalanan.

Manalangin Tayo: Panginoon, patuloy Mo po kaming samahan sa aming paglalakbay sa buhay. Nawa'y mas lalo Ka pa namin makilala upang hindi rin kami mabulag nang labis sa kapighatian. AMEN.

--FRJ, GMA News