Dahil sa COVID-19 pandemic kung saan bawal muna ang mass gathering, ginamit na rin ng mga kaparian ang internet para isagawa ang mga misa at iba pang gawaing pangrelihiyon online. Ang "Father Tiktokerist" ng Guimba, Nueva Ecija, bukod sa nakikisayaw sa mga nauuso ngayon sa mga kabataan, ginagamit din ang app para ipalaganap ang mga Salita ng Diyos.
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Rev. Fr. Fherdie Ducut, parochial vicar ng St. John The Evangelist Parish, na hindi niya inisip na maging viral at nais lang niyang gamitin ang Tiktok para sa evangelization nang magsimula ang lockdown.
Pero mula sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos online, kumasa na rin si Father Fherdie sa mga sikat na challenge, dubsmash, hugot at mga sayaw.
"Nag-Tiktok po ako noong una, sayaw-sayaw lang. Nag-enjoy naman po ako kasi talagang kung puro seryoso tayo, lalong bibigat ang sitwasyon natin. At least po nagiging light ang paglalakbay natin sa pandemya," sabi ni Father Fherdie.
Ayon sa pari, napansin niyang puro kabataan ang nasa Tiktok na maiikli ang attention span, kaya pinaikli niya rin ang kaniyang mga reflection ng isang minuto.
Gayunman, may ilan pa rin ang tila hindi pabor sa pagsasayaw o pag-Tiktok ni Father Fherdie.
"Sa loob-loob ko naman po, sayang naman ang ibinigay na talent ni Lord kung hindi gagamitin," tugon ng pari sa mga pumupuna sa kaniya.
Sa kabila nito, humihingi ng payo at kaliwanagan kay Father Fherdie ang mga nakakapanood ng kaniyang Tiktok.
Panoorin ang kuwento ni "Father Tiktokerist" sa video ng "KMJS."--FRJ, GMA News