Pinatunayan ng DNA test na tama ang kutob ng isang ina na nanganak sa isang ospital sa Rizal na hindi niya anak ang ibinigay sa kaniya at naiuwi niya sa bahay dahil wala siyang naramdamang "lukso ng dugo." Ang tanong ngayon, makuha pa kaya niya ang kaniyang tunay na anak.

Noong nakaraang linggo, itinampok sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang kuwento ng mag-asawang Aphril at Marvin, na matagal na naghintay na magkaroon ng anak.

Kaya naman laking tuwa nila nang  mabuntis si Aphril hanggang sa mailuwal niya ang sanggol sa isang ospital sa Rizal kamakailan.

Nang isilang niya ang bata, nagawa ni Aphril na makapagpakuha ng larawan nakasama ang anak bago ito kinuha sa kaniya ng mga ospital staff para ayusan.

Pero nang ibalik na ang sanggol at itabi kay Aphril, napansin niya na nag-iba ang hitsura ng bata dahil hindi na makapal ang buhok nito at napunta sa kabilang paa ang name tag.

Ibang pangalan din ang nakalagay sa name tag.

At higit sa lahat, wala raw naramdamang "lukso ng dugo" si Aphril.

Sa kabila ng pagdududa, inalagaan nang mabuti ni Aphril ang sanggol dahil batid niyang wala itong kasalanan sa mga pangyayari.

Habang ang ospital, gumagawa raw ng paraan upang alamin ang katotohanan.

Gayunpaman, nagpatulong na rin ang mag-asawa sa "KMJS" para maisailalim sila sa DNA test  sa hawak nilang sanggol upang malaman kung talagang anak nila ito o hindi.

At sa episode nitong nakaraang Linggo, ipinakita na ang resulta ng DNA test at lumitaw na "negatibo" o hindi nga anak ni Aphril ang sanggol na kaniyang inaalagaan.

Pero nasaan na ang tunay na anak ni Aphril at mabawi pa kaya niya ang bata? Panoorin ang buong episode sa video na ito. --FRJ, GMA News