Hindi lang ang mga karamdaman sa katawan ang nais na gamutin ni Hesus, nais din niyang linisin ang ating puso (Mk. 1:40-45).
KUNG anoman ang makabubuti para sa atin ito ang ibig ng Panginoong Diyos para sa atin.
Sapagkat hindi niya kailanman hahangarin ang mga bagay na makakasama sa atin. Kaya hindi natin dapat ipag-akala na kapag hindi niya ibinigay ang ating hinihingi ay pinagdadamutan na Niya tayo.
Sa Mabuting Balita (Marcos 1:40-45), hangad ni Hesus na gumaling ang isang ketongin na nagmamakaawa at naninikluhod na lumapit sa kaniya para hilingin na siya ay gumaling sa kaniyang karamdaman.
Nagmakaawa ang ketongin kay Hesus nang sabihin nitong: "Kung ibig Mo ay malilinis Mo ako."
Hindi naman siya binigo ng Panginoon na tumugon ng: "Ibig ko, luminis ka." Kaya naman pagkatapos nito ay luminis ang ketongin mula sa kaniyang karamdaman.
Talagang hahangarin ni Hesus na malinis ang taong ito mula sa kaniyang karamdaman. Sapagkat ang ketong ng lalaki ang nagpahiwalay sa kaniya sa kaniyang pamilya, mga kaibigan, komunidad at maging sa lipunan.
Nais ni Kristo na makabalik sa normal ang pamumuhay ng lalaking ketongin na matagal nawalay sa maraming tao. Dahil ang taong may ganitong karamdaman noong panahong iyon ay nilalayuan, pinandidirihan at itinuturing na mababang uri ng tao.
Ang ketong ng lalaki sa Pagbasa ay tulad din ng ating mga kasalanan na nagpaparumi sa ating pagkatao, kaluluwa at higit sa lahat nagpapahiwalay sa atin sa Diyos.
Ang "ketong" na sumisira sa ating pakikipag-ugnayan sa Panginoon ay hindi pisikal na makikita sa katawan kung hindi nasa ating mga puso. Mga kasalanan na kailangan nating iwaksi at labanan.
Kaya hangad din ni Hesus na linisin ang "ketong" sa ating mga puso upang makabalik din tayo (tulad ng lalaking pinagaling Niya) sa piling ng Panginoon, sa ating pamilya, sa lipunan at sa Simbahan.
May ilan sa atin ang matagal na nahiwalay sa Diyos at sa Simbahan at nagkaroon na "ketong" sa kanilang puso. Inaakala nilang normal lamang na gawin ang mga bagay na hindi kaaya-aya sa paningin ng Panginoon.
Pero nais ituro ng Ebanghelyo na hangad din ni Hesus na hugasan ang ating karumihan upang maging karapat-dapat tayo sa Kaharian ng Kaniyang Ama sa Langit. Katulad ng ginawa Niyang pagsalba sa lalaking ketongin--hindi lang ang pisikal niyang pangangatawan ang ginamot, kung hindi maging ang kaniyang kaluluwa.
MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus. Linisin Mo po ang ketong sa aming mga puso. Linisin Mo po ang aming karumihan para makabalik din kami sa Iyong piling at makapamuhay kami ng kalugod-lugod sa Panginoo. AMEN
--FRJ, GMA News