Ibinahagi ng isang 25-anyos na babae sa Naval, Biliran ang kaniyang paghihirap na pinagdaraanan sa araw-araw dahil sa nakausling bukol na mistulang makapal na balat sa pisngi na umabot na sa kaniyang likod.
“Mahirap po, mabigat. Tapos 'pag maligo ako, nahihirapan ako…'Pag lumalakad ako, nahihirapan ako kasi para akong lasing,” kuwento ni Ribby Jimenez sa ulat ni Amielle Ordonez sa “Stand for Truth” nitong Biyernes.
“Sagabal sa pagtrabaho po, pagtulog ko, sama-sama ‘to. Maglalaba ako tapos maghuhugas, maliligo, minsan masakit ‘yung ulo ko. Lagi na lang ako nakahiga,” idinagdag niya.
Dati raw ay maliit pa lamang ang tila balat na nakasabit sa baba ng kaniyang kanang pisngi. Nalaman niya na ito pala ay isang bukol nang siya ay maging anim na taong gulang na.
“Nung maliit pa ako, sabi ng nanay ko, maliit pa raw ito. Tapos nag-aaral na ako. Hindi ko alam, lumalaki na pala. Tapos ‘yung nag-aalala ako, hindi ko alam lumalaki na pala. Tapos nag-stop ako sa pag-aaral ko kasi, binubully ako ng mga classmate ko, umiiyak ako,” ani Jimenez.
Sabi naman in Marivic, ang kaniyang ina, dinala nila ang anak sa doktor noong bata pa pero hindi na nila nasundan pa ang mga check-up dahil na rin sa kakapusan ng pera.
“Sabi niya, ‘Nay pa-opera na tayo kasi ang bigat na.’ Sabi ko, ‘saan tayo kukuha ng pera pang opera, eh wala naman tayong pera.’ Wala na siyang tatay, ako na lang. Ang trabaho ko paglalabandera,” sabi ni Marivic.
“Ako, naawala ako sa kaniya na nagkaganyan siya. Tinatanong niya ako, ‘bakit nagkaganito ako nay?’ Sabi ko, hindi ko din alam anak kung bakit.’ Hangang sa lumaki siya, nagtiis siya,” dagdag pa ng ginang.
Hindi rin mapigilan ni Marivic na lumuha nang maalala niya ang pagtitiis ng anak dahil sa matinding sakit sa ulo na nararamdaman.
“Andoon na ‘yung gulat, andoon na ‘yung awa. Kasi dati nung makita ko ‘to nung maliit pa, parang ano lang… parang dumikit lang na balat,” sabi ni Antonio Patillas Jr., ang nag-post ng larawan ni Jimenez sa social media.
“Hindi mo man kayang sabihin pero mararamdaman mo ‘yung awa na, buti pa siya naka-survive sa ganiyan. Buti na lang siya kumapit pa. Maawa ka talaga. Kahit sino makakatingin sa kaniya na ganyan maawa ka talaga,” idinagdag nito.
Nanawagan rin si Patillas na sana ay matulungan si Ribby.
“Kumakatok po ako sa lahat ng mga viewers natin na sana kung sino man ‘yung, alam mo na, ‘yung may mga puso na matulungin diyan ay sana matulungan natin si Ribby,” ani Patillas.
“Sa lahat ng nakakita sa akin ngayon sa interview na ito, nagmamakaawa po ako na sana matulungan nila ako, maoperahan nila ako kaagad para hindi na ito lumala, hindi na rin lumaki,” pakiusap naman ni Ribby.
‘Di karaniwang kondisyon
Ayon sa isang medical oncologist sa AHMC at DLSU-Medical Center, isang hindi pangkaraniwang kondisyon ang dumapo kay Ribby.
“For me, it’s a benign condition called a giant plexiform neurofibroma. Isang klase ng bukol na nagmumula sa abormal na paglaki ng mga nerve tissues ng katawan. Lumaki ito during childhood, puberty at child bearing ages,” ani Dr. Mary Manolo Igot.
Subalit sabi ni Igot hindi raw dapat mawalan ng pag-asa si Ribby at inirekomenda niya na sumailalim siya sa cranial MRI, neck MRI, at chest MRI.
“What is unique about them is that they are very vascular. O, maraming ano diyan, maraming mga blood vessels, maraming mga arteries, mga veins, na nagpi-feed doon sa bukol. They will also usually request for an andiogram,” paliwanag ni Igot.
“Another thing that I recommend for the patient is for her to undergo a biopsy… para makita nila kung may cancer ba na nagtatago doon sa malaking bukol na iyon,” idinagdag nito.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News