Maraming sasakyan ang nalubog sa baha sa pananalasa ng bagyong "Ulysses." Pero ang isang residente sa Cainta, Rizal, naisalba sa magastos na pagpapagawa ang kaniyang sasakyan dahil sa kakaibang paraan na naisip niya kung papaano ito mapapalutang sa tubig gamit lang ang lona at tali.
Sa panayam sa telepono ng GMA News Online nitong Huwebes, sinabi ni Romel Castro, na naisipan niyang lagyan ng lona mula sa ilalim ang kaniyang sasakyan dahil hindi na niya ito nadala sa mas mataas na lugar.
Sa video, makikita na mula sa ilalim ng sasakyan ay itinali niya ang lona na halos kalahati ng kotse ang nakabalot.
Bukod sa tali para maibalot ang lona, tinalian din niya ang sasakyan para hindi tangayin ng baha.
May sukat na umano na 12 by 20 feet ang ginamit niyang lona na pagmamay-ari ng kaniyang hipag.
"The usual way lang, 'yun ang ginamit namin. Wala kaming ginamit na pampalutang, basta 'yun lang lona talaga," giit ni Castro.
Aminado si Castro na hindi rin nila inasahan na lulutang ang kanilang kotse matapos itong ibalot sa lona.
"Actually, pati kami nagulat eh... Siguro mga hanggang tuhod namin 'yung tubig dito sa bahay na pumasok, doon sa may garahe... Ang tubig doon mga hanggang hips namin. Tsinek namin ni misis 'yung kotse namin baka mamaya may tubig sa loob ng lona, kasi hindi namin talaga alam totally," kuwento niya.
"Si misis pumunta sa likuran, may kukunin siya eh parang dikit 'yung kotse, alangan siya. Ngayon parang napahawak siya sa kotse namin, tapos nag-move. Tiningnan namin 'yung gulong, tiningnan namin 'yung paa, nakaangat. Na-amazed nga rin kami," dagdag ni Castro.
Sinabi pa ni Castro na walang tubig at walang putik sa loob ng sasakyan.
Pero papaano kaya lumutang ang kotse?
Hinala ni Castro, ang hangin sa gulong ng sasakyan ang nakatulong para lumutang ito sa tubig.
Dahil gumagalaw ang sasakyan nang umangat sa baha, ginamitan nila ito ng apat na lubid at nilagyan ng mga unan ang gilid para hindi magasgas kapag nadikit sa pader.
Sinabi ni Castro na ibabahagi niya sa susunod niyang video ang paraan kung paano nila ibinalot ng lona ang kanilang sasakyan para makatulong sa iba. -- FRJ, GMA News