Ang pag-ibig sa Diyos ay mapapatunayan lamang kung magagawa nating mahalin ang ating kapwa (1 Juan 4:19-21).
Tayo'y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. Ang nagsasabing "iniibig ko ang Diyos" subalit napopoot naman sa kaniyang kapatid ay isang sinungaling. Kung ang kapatid na kaniyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?
Ito ang utos na ibinibigay sa atin ni Cristo: "Ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa Kaniyang kapatid". (1 Juan 4:19-21)
Ang isang pag-ibig o pagmamahal sa isang tao kapag hindi mo naipapakita sa pamamagitan ng gawa at puro salita lamang ay walang ipinagkaiba sa isang malamig na ulam--hindi mo malalasahan ang linamnam.
Sa talata kung inyong mababasa, napakalinaw ng mensaheng nais nitong iparating sa atin: "Ang nagsasabing iniibig ko ang Diyos subalit napopoot naman sa kaniyang kapatid ay isang sinungaling."
Ang isang pag-ibig upang mapatunayan na talagang ito ay makatotohanan, kinakailangan din na ito ay ating naipakikita. Hindi lamang sa pamamagitan ng salita bagkos ay sa pamamaraan din ng gawa.
Marami ang nagsasabing sila ay maka-Diyos, marami ang nagsasabing sila ay relihiyoso, sila ay sagrado Katoliko, at marami pa ang nagsasabing sila ay may takot sa Panginoong Diyos; Mga salitang naglalarawan ng kanilang paggalang at pag-ibig sa Panginoon. Nagpapakita din ito ng kanilang malalim na pananampalataya sa Diyos.
Wala namang masama dito. Ang problema lamang ay kung kaya ba nating panindigan at patunayan ang mga salitang ito?
Ang mga salitang ito na nagsasabing iniibig nila ang Diyos ay walang iniwan sa isang biskuwet na kung tawagin ay ampaw. Parang pandesal na puro hangin ang laman.
Kung ang pag-ibig ay mananatiling isang salita lamang, wala itong ng saysay. Sapagkat ang anumang salita na nagsasabing "iniibig natin ang Panginoong Diyos" subalit hindi naman natin naipapakita sa ating kapwa ay isa lamang huwad na pag-ibig.
Ang pag-ibig na iniaalay natin sa ating mga mahal sa buhay o maging sa ating iniirog ay umaasa ng tugon o balik na pag-ibig mula sa kanila.
Dahil kung wala tayong napapala o nakukuha mula sa pag-ibig na ibinibigay natin para sa mga taong minamahal natin, baka isipin na ito'y pag-ibig na "makasarili" o selfish Love.
Pero ang pag-ibig sa Panginoong Diyos ay kailanman hindi naghihintay ng kapalit. Subalit kailangan nating patunayan ang tunay na pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtulong at pagkalinga ating kapwa na nangangailangan. Tulad ng mga taong walang makain, mga taong naghihikahos, mga kababayan natin na nasalanta ng mga kalamidad, tulad nitong nagdaang mga bagyo.
Ang pag-ibig natin sa Diyos at ang pag-ibig natin sa ating kapwa ay hindi maaaring paghiwalayin. Sapagkat kung anoman ang ating ginawa para sa ating kapwa, ginagawa rin natin sa Kaniya.
Ang Diyos ay hindi lamang makikita sa langit kundi sa bawat taong naghihirap at naghihikahos, mga inaapi, kinukutya, at walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Anong saysay kung sinasabi natin na mahal natin ang Panginoong Diyos pero pikitmata tayo sa mga taong nangangailangan ng ating tulong? Nakikita ng dalawang mata natin ang kanilang paghihirap pero nagbubulag-bulagan lamang tayo na sila'y tulungan.
Tandaan ang sinasabi sa Talata: "Kung ang kapatid na kaniyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita?"
Hindi maaaring selective o namimili ang totoo at tunay na pag-ibig. Dahil kung talagang minamahal mo ang Panginoong Diyos, kailangan mahalin mo rin ang iyong kapwa.
Manalangin Tayo: Panginoon namin. Turuan Niyo po kami na totoong magmahal. Nais namin po Kayong mahalin at ibigin dahil Kayo ay umiibig sa amin. Matutunan nawa namin na magmahal at ito'y maipadama sa aming kapwa na nangangailangan ng tulong at kalinga. AMEN
--FRJ, GMA News