Isang senior citizen na negosyanteng Koreano ang inabutan ng lockdown sa Pilipinas noong Marso bunga ng COVID-19 pandemic. At dahil halos naubos na ang kaniyang pera, napilitan na siyang magtinda ng Korean noodles sa gilid ng kalye sa Las Piñas.
Sa ulat ni JM Encinas sa "Stand for Truth" nitong Huwebes, napag-alam na ilang beses na ring nagpabalik-balik sa Pilipinas si Chang Sam Hyun, 76-anyos, dahil sa kaniyang construction business.
Pero nitong Marso, inabutan siya ng lockdown sa Pilipinas, tatlong araw bago ang kaniyang flight pabalik sa Korea.
Ang inakala niyang isang buwan na lockdown lang sa kanilang airport, inabot na ngayon ng walong buwan.
Ang ang dala niyang pera, halos maubos na dahil sa panloloko at pagnanakaw ng ilang Pinoy at maging ng kaniyang mga kababayan na nasa Pilipinas.
Para makabangon sa kaniyang kinalalagyan, naisipan ni Chang na magbenta sa gilid ng kalsada ng mga Korean noodles na buy-2 get 1 free sa halagang P100 lang.
Sa naturang halaga, nagagawa pa ni Chang na magbigay ng libreng malamig na tubig sa mga motoristang dumadaan sa kaniya, bumili man o hindi ng kaniyang produkto.
Ang kaniyang kinikita sa isang araw, nasa P200 hanggang P300.
Ang kaniyang tinitirhang kuwarto, mistulang stock room na dahil sa mga nakakalat na gamit.
Hindi raw kasi niya inakalang tatagal siya rito bunga ng lockdown.
Bagaman mahirap ang kaniyang kalagayan, masaya rin naman siya dahil mayroon siyang naging kaibigan at mga nagmamalasakit na Filipino.
At ang kaniyang hiling, matulungan saya siyang makauwi na sa Korea para makapiling ang misis niyang naghihintay sa kaniya doon.
Tunghayan ang buong kuwento ni Chan sa video na ito ng "SFT."
--FRJ, GMA News