Isang inabandonang eskuwelahan sa Quezon City ang sinasabing nababalot ng misteryo. Ayon sa isang caretaker, noong hindi pa ito nagsasara, may mga kuwento ng kababaghan na ang nangyari tulad ng "sanib."
Ang "urban explorer" na si James na mahilig sa mga kuwentong katatakutan, hilig ang puntahan ang mga inabandonang lugar.
Isa raw ang naturang abandonadong paaralan sa Quezon City sa mga hindi niya malilimutan.
Sa kaniya raw kasing pag-iikot sa dating paaralan, may mga nararamdaman at nadidinig siya sa kaniyang paligid.
At sa isang bahagi ng video, may nadinig sila ng kaniyang kasama na tila sinitsitan sila na hindi nila malaman kung sino dahil wala naman ibang tao sa lugar.
Pero mas nakakakilabot ang nangyari sa urban explorer at ghost hunter na si Peter na nagpunta rin sa naturang inabandonang paaralan dahil nakuhanan mismo sa harap ng camera ang pagdaan ng isang anino.
Sa simula, hindi mo mapapansin ang pagdaan ng anino at iisipin mong mayroon lang may nakahawak sa camera at gumalaw lang ito.
Ngunit nang muling panoorin, mapapansin na tila isang anino ng babae na mahaba ang damit at buhok ang dumaan sa harap ng camera.
Tunghayan at huwag kukurap sa kuwentong ito ng "iJuander" at alamin din ang opinyon ng ibang eksperto tungkol sa video ni Peter at kayo na ang humusga. Panoorin.
--FRJ, GMA News