Wala sa pagiging mabait o masama ng isang tao ang basehan ng Panginoon sa pagbawi Niya sa hiram nating buhay. Talagang nakatakda lang kung kailan tayo dapat humarap sa Diyos (Lk. 13:1-9)
Nais lamang natin linawin ang maling paniwala na ang mga mababait ang kalimitang unang kinukuha ni Lord. Katulad din ng maling paniniwala na ang mga "masamang-damo" ay mahaba raw ang buhay.
Mali iyan. Gumawa man tayo ng mabuti o masama, nang ipinapanganak pa lamang tayo ay nakatakda na kung kailan magwawakas ang ating hiram na buhay.
Kaya naman mababasa sa Mabuting Balita (Luke 13:1-9) na kahit ang mga mabubuting tao ay maaaring pumanaw sa ibabaw ng mundo sa pagkakataon at pangyayaring hindi rin nila inaasahan.
Katulad ng nangyari sa ilang taga-Galilee na pinapatay ni Pelato habang nag-aalay ng handog para sa Diyos.
Tinanong ni Jesus ang mga tao kung sa palagay ba nila ay makasalanan ang mga taga-Galilee kaysa sa iba kaya nila sinapit ang ganoong trahedya?
Hindi nangangahulugan na kapag namatay ang isang tao sa pagkakataong hindi nito inaasahan ay ibig sabihin na isa na siyang makasalanan o kaya naman eh mabait kaya kinuha na sila ni Lord lalo na kung kabataan pa lang.
Nais ituro sa atin ni Jesus na hindi usapin dito kung makasalanan o gumagawa ng kabutihan ang isang taong namayapa na. Sa halip, ang nais Niya ay paghahandaan ng mga tao ang paglinisan sa mundo o ang kamatayan.
At ito ay sa pamamagitan ng pagsisisi sa mga nagagawang kasalanan at ang pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos.
Kaya sinabi ni Jesus sa mga tao na, "Pero kapag hindi kayo nagsisi ay mamamatay din kayong tulad ng mga taga-Galilee."
Lagi nating tandaan na ang ating buhay ay hiniram lamang sa Diyos. Hindi natin pag-aari ang ating buhay, at hindi tayo ang magpapasya kung kailan ito isasauli.
Tanging ang Diyos lang ang nakaaalam kung kailan ang ika nga ay "due date" na dapat isauli na ang ating hiram na buhay.
Alalahanin natin na ang anomang bagay na hiniram ay kailangang ibalik sa nagpahiram. Sa ayaw man natin o hindi, kapag binabawi na sa atin ng may-ari ay kailangan nating ibigay.
Kaya pinapaalaala sa atin ng Pagbasa na bago bawiin sa atin ang ating buhay ay kailangan nating sikapin maisa-ayos ang ating buhay dito sa lupa. Para kapag dumating na ang takdang araw na tayo'y mawawala na, nakahanda tayo.
Ngayong nalalapit ang Undas bilang paggunita sa mga mahal na natin sa buhay na yumao na, isa itong paalaala na ang buhay dito sa mundo ay may hangganan. Kung nagagawa mo pang dalawin ang puntod nila, dahil ibig sabihin ay buhay ka pa at may panahon pa para ayusin ang iyong buhay.
Kung sa pag-ibig ay may "forever," at may "unli" sa rice, at bottomless" sa drinks, sa buhay ay laging may "the end."
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na bago dumating ang araw na maging "the end" na tayo, dapat nakapaghanda tayo sa pagharap sa Panginoon. At magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pamumuhay bilang isang mabuting alagad ng Diyos.
PANALANGIN: Panginoon, kaawaan at tanggapin Niyo po sana sa Inyong kaharian sa langit ang mga mahal namin sa buhay na nagsauli na ng kanilang hiram na buhay. At nawa'y patnubayan Niyo po kami na maging mabuting nilalang at tahakin ang matuwid na landas na habang patuloy naming gamit ang ipinahiram Mong buhay. AMEN.
--FRJ, GMA News