Para madugtungan ang buhay ni Aling Arlene na may Chronic Kidney Disease (CKD), kailangan siyang magpa-dialysis ng dalawang beses sa isang linggo. Pero hindi ito magiging madali dahil sa liblib na lugar sila nakatira at walang ibang paraan para maibaba siya sa highway kung hindi ang isakay siya sa kumot na nakatali sa kawayan o “tuwang-tuwang.”

Ang mister at anak nila ang magkatulong sa pagbuhat kay aling Arlene, na hirap nang maglakad dahil sa kaniyang karamdaman. Maingat sila sa bawat hakbang habang bumababa ng bundok at may ilog din silang kailangang tawirin.

“Dapat kahit na maulan, kahit na bumabagyo, tuloy pa rin namin iyong pag-dialysis kasi kung hindi namin susundin ‘yung schedule ng hospital, may special dialysis ‘yun kasi mahal iyong bayad,” anang asawa.

Pagsapit nila sa highway matapos ang mahirap na lakbayin, isasakay naman nila sa tricycle si aling Arlene para madala na sa dialysis center.

Pero nangangamba ngayon ang mister ni Aling Arlene sa dialysis ng asawa dahil malapit nang itigil ng PhilHealth ang tuloy-tuloy na pagsagot nila sa gastusin sa dialysis ngayong may pandemic.

At pagkatapos ng dialysis, mas matinding panganib ang susuungin nila sa pag-uwi dahil aabutan na sila ng dilim sa madulas at mabatong daan.

Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang matinding pagsubok sa buhay at ang ipinapakitang katatagan at magmamahal ng pamilya para sa may sakit na ilaw ng kanilang tahanan na si Aling Arlene.

FRJ, GMA News