Ang taong nananalig sa Diyos ay isang mabuting bunga dahil ang puno ay si Jesus mismo. (Luke 6:43-49).

__________

May kasabihan na kung ano ang puno, siya rin ang bunga.

Sa mensaheng nais ituro sa atin ng Mabuting Balita ngayon (Lk. 6:43-49), sinabi ni Jesus na, "Hindi puwedeng magbunga ng masama ang mabuting puno. At hindi rin puwedeng magbunga ng mabuti ang masamang puno."

Ang mabuting puno ay imposibleng magbunga ng masama lalo na kung ang punong ito ay ang ating Panginoong Jesus. Ang isang mabuting puno na gaya ng ating Panginoon ay magkakaroon ng magagandang bunga.

Si Kristo nga ang mabuting puno dahil ipinunla niya sa ating mga puso ang kabutihan. Tulad ng sinasabi sa Ebanghelyo na, "Nagbubunga ng mabuti ang mabuting tao dahil ito ay galing sa mabuti niyang kalooban."

Hindi kailanman hahangarin ni Jesus tulad ng isang mabuting Ama na maging masamang bunga ang kaniyang mga anak. Dahil sinabi niya na naparito siya upang magsilbing liwanag para sa mga nasa kadiliman at maging isang mabuting pastol.

Kaya nakatitiyak tayo na sa oras na isuko natin ang ating sarili kay Kristo at magtiwala tayo sa kaniya, hinding hindi tayo mapapariwara.

Sa kabilang banda, sinasabi rin sa pagbasa na ang masamang puno ay nagbubunga din ng masama dahil nakikilala ang bawat puno ayon sa bunga.

Itinuturo dito ng Ebanghelyo na may mga tao ang talagang mas hinahangad pa ang mamuhay sa masasamang gawain sa halip na mamuhay nang tama. Kahit pa batid nilang ito ay magbubunga rin ng masama.

Ano nga ba ang ibubunga ng isang maling relasyon? Hindi ba't pagkawasak ng pamilya para isang taong nakikiapid? Ano ang ibubunga ng labis na pagkasilaw sa salapi at mga materyal na bagay? Hindi ba't panlalamang sa kapwa, magnanakaw, at kung anu-ano pang kasamahaan?

Ipinapaalala sa atin ni Jesus sa Pagbasa na ang mabuting bagay na gagawin natin ay magbubunga din ng kabutihan. Subalit ang masasamang bagay na ating gagawin ay tiyak na magbubunga din ng masama. Kaya nasa sa atin na kung ano ang ating pipiliin, ang gumawa ng masama o ang gumawa ng mabuti.

Kung isasapuso lamang natin ang ating pananalig sa Diyos at ito'y seseryosohin, ang mga aral ni Jesus ay magbubunga ng mabuti at makikita ito mismo sa ating pamumuhay.

Sapagkat ang isang tao na ang nasa puso ay si Jesus ay magsisilbing mabuting halimbawa para sa kaniyang kapwa.

Katulad ng isang magulang, kung masama ang pamamaraan ng kanilang pag-aalaga at pagpapalaki sa kaniyang anak, malaki ang posibilidad na maging sakit ng ulo ng komunidad at lipunan ang anak.

Pero kung pinili ng magulang na maging mabuti para sa kanilang anak, ang supling niya ay malaki ang posibilidad na maging kapaki-pakinabang sa ating lipunan.

Kaya pinaaalalahanan tayo ng pagbasa na sikapin nating maging mabuting bunga sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos upang magsilbi tayong magandang halimbawa sa ating kapwa; At ang ating kapwa ay maging mabuti ring ehemplo para naman sa iba.

Panalangin: Panginoon, akayain po ninyo kaming maging mabuting bunga ng mabuting puno na Inyong ipinunla dito sa ibabaw ng lupa. Ilayo po ninyo kami sa mga masasama. Amen.

-- FRJ, GMA News