Sa pagbabalik ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan sa general community quarantine (GCQ), isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na patawan ng parusang pagkakakulong ang mga taong hindi magsusuot o 'di maayos ang gamit ng face mask.

Sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Miyerkules, sinabi ni DILG Undersecretary Martin Diño na panahon na para mahigpit na ipatupad ang batas at huwag nang pagbigyan ang mga lumalabag sa mga health protocol upang mabawasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“‘Yung isa pang mungkahi namin na kapag nahuli ka na may face mask ka nga, nakababa naman, nakalabas ang ilong mo, nakalabas ang bibig mo, eh 15 days ang kulong mo,” sabi ni Diño.

“Pagka naman, halimbawa, talagang wala kang face mask, eh, 30 days. So ito ‘yung mga bagay na dapat pagkasunduan at agad-agad, i-implement natin,” patuloy niya.

Nais din ng ahensiya na magkaroon ng magkakaparehong parusa sa mga lalabag sa quarantine protocols matapos na magkasundo ang mga alkalde ng Metro Manila na magpatupad ng curfew ng mula 8 p.m. hanggang 5 a.m.

"Kaya nga may mungkahi din kami na sana pati ‘yung parusa diyan pare-pareho na. Kung halimbawa, ‘yung multa, ‘yung first offense, ‘yung second offese, third offense,” ayon sa opisyal.

Sinabi pa ni Diño na dapat magsimula sa barangay level ang mahigpit na pagpapatupad ng quarantine protocols.

“Definitely hihigpitan na natin ‘yan. Hindi na puwede ‘yung anim na buwan na tayo dito [sa community quarantine], hindi na puwede ‘yung pagbibigyan mo,” aniya.

“Basta nasa labas sila, nahuli ka ng nasa labas ng tahanan mo, kahit nasa harap ka lang ng bahay mo, kapag tumungtong ka ng sidewalk, tumungtong ka ng kalsada, naabutan ka ng ating mga tanod, ng ating kapulisan, ikaw ay aarestuhin, dalhin sa barangay hall o dalhin sa prisinto para mai-dokumento ‘yung kaukulan ng kaso,” patuloy niya.

Mahigit 300,000 quarantine violators na umano ang nadakip ng Joint Task Force COVID Shield.— FRJ, GMA News