May mga abot-kaya namang bra at panty na mabibili sa mga pamilihan pero bakit nga ba may mga tao, lalo na ang mga lalaki, na mas gusto at tila "trip" na manungkit at magnakaw ng mga nilabhan na damit-panloob na ito ng kababaihan?
Gaya na lang ng magkahiwalay na insidenteng naganap sa Caloocan City at sa Magpet, North Cotabato, na nagdudulot ng takot at inis sa mga babae.
Sa Caloocan City, isang babae ang pinupuntirya ng kawatan ng panty, at mahigit isang dosena na underwear niya ang nawala.
Dahil panty lang niya ang tinatarget, pinag-iingat ng kaniyang mga kaanak ang babae dahil baka may ibang pakay pa ang kawatan.
Sa bayan naman ng Magpet, hindi lang isang babae ang nawawalan ng mga panty at bra sa barangay.
Ang iba, napipilitan na lang na magsampay ng kanilang underwear sa kanilang mga banyo para hindi na masikwat ng kawatan.
Hanggang sa isang araw, may namataan umanong isang lalaki na nakitang tumangay ng panty bagaman hindi nakita ang kaniyang mukha.
Sa isang bakanteng lote, nakita ang mga sira-sirang panty at bra.
Sa Caloocan naman, may ikinabit sa CCTV camera sa sampayan ng panty at nahuli-cam ang sinasabing kawatan.
Mahuli na nga kaya ang mga kawatan ng underwear sa dalawang lugar? At bakit nga ba may mga taong tila trip ang pagnanakaw ng panty at bra? Isa nga ba itong mental disorder? Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
--FRJ, GMA News