Hirap maglakad at nakararanas pa ng panlalait ang 24-anyos na si Rene mula sa Quezon dahil sa kaniyang kaliwang binti na tila lumobo. Ano nga ba ang nangyari sa kaniyang binti at puwede pa kaya itong operahan? Panoorin.
Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, sinabi ni Rene na mahigit 25 kilo ang bigat ng kaniyang kaliwang binti kaya nahihirapan siyang maglakad.
Ang kaniyang apat na pantalon, pinasadya na para sa kaniyang binti pero isa-isa na itong nasisira dahil sa pagtuloy na paglaki ng kaniyang isang binti.
Dahil sa kalagayan ni Rene, hindi mapigilan ng kaniyang ina na malungkot.
“Nahirapan siya tumindig kasi pag natindig siya, parang nabibigatan siya. ‘Yung kanyang kaliwang paa, walang lakas. Parang walang buto. Hindi niya maitungtong mabuti,” ayon sa kaniyang ina na si Pablita.
“Tinatanong ko kung bakit kay Reneboy pa nangyari iyong kapansanan. Bakit, mahal na Diyos, doon pa binigay sa anak ko ang ganoon? Sana hindi, hindi sa anak ko binigay ‘yun," patuloy niya.
Hinala ni Pablita, baka may kinalaman ang kaniyang paglilihi noon habang ipinagbubuntis si Rene sa hilig niya sa pagkain ng karne ng kalabaw.
Samantala, sinabi ni Rene, na natigil din siya sa pag-aaral dahil sa naranasang pambu-bully. Bagay na pinagsisisihan niya dahil hindi siya nakapagtapos at hindi rin nagkaroon ng maayos na trabaho para sana matulungan ang kaniyang ina.
“Sana hindi na ako tumigil sa eskuwela. Sana may trabaho na sana ako kung wala akong sala," saad niya.
Sinamahan ng KMJS si Rene na maipasuri sa dalubhasa ang kaniyang binti. Isa nga kayang kaso ng elephantiasis ang nangyari kay Rene at maaari pa kaya siyang maoperahan para mapagaang kaniyang kalagayan? Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News