Nagbigay ng mga panuntunan ang Department of Health (DOH) sa mga kompanya bilang paghahanda kapag pinayagan nang magbalik sa opisina o trabaho ang mga empleyado.
Sa ulat ni Lei Alvis sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing bukod sa pagsusuot ng face mask at physical distancing sa loob ng opisina, may iba pang kailangang ipatupad ang mga kompanya tulad ng pagsasailalim sa COVID-19 test ang ilan sa kanilang mga tauhan.
Kung puwedeng gawin sa bahay ang trabaho ng mga kawani, hinihikayat pa rin ng DOH na magpatupad ng work from home arrangement para mabawasan ang tao sa opisina.
Kabilang sa mga kawani na dapat umanong sa bahay magtrabaho ay mga nakatatanda o higit 60 ang edad, may pre-existing na sakit tulad ng hypertension, diabetes, cancer, immunocompromised health status o high risk ang pagbubuntis.
Ang mga kailangan namang pumasok sa tanggapan, dapat masuri sa mga sintomas ng COVID-19 gaya ng lagnat, ubo, sipon at iba pang respiratory symptoms.
Ang mga kawani na symptomatic na may history ng travel o exposure, hindi dapat pabalikin sa trabaho at dapat hikayating magpasuri muna sa duktor.
Ang mga dating symptomatic na may history ng travel o exposure sa nakalipas na 14 araw, kailangang magpakita ng certificate of quarantine completion na makukuha sa quarantine facility o local health office bago payagan na magbalik sa trabaho.
Ang mga asymptomatic sa nakalipas na 14 araw bago bumalik sa trabaho, cleared nang magtrabaho.
Puwede naman piliin ng mga kompanya ang mga kawani na high-risk na nais nilang ipa-COVID-19 test. Ang resulta ng mga test, dapat iulat ng kompanya sa DOH.
Ang mga test na hindi masasagot ng PhilHealth, ang employer ang dapat sumagot.
Kailangan din ipatupad sa lugar ng trabaho ang infection prevention and control measures gaya ng physical distancing, pagsusuot ng face mask, pagpapatupad ng cough etiquette at palagiang paghuhugas ng kamay.
Ang mga trabaho na malapit o direktang nagbibigay ng serbisyo sa mga tao, dapat magsuot ng angkop na personal protective equipment. --FRJ, GMA News