Hindi lang ang mga tao ang posibleng tamaan ng heat stroke ngayong matindi ang init ng panahon. Maging ang mga alagang hayop tulad ng aso, peligroso rin sa ganitong sitwasyon.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing maraming netizens ang nagpo-post tungkol sa mga alaga nilang hindi mapakali dahil sa sobrang init nitong nakaraang mga araw.
Ang isang netizen, napansin pang dumugo ang ilong ng kaniyang alaga.
Ayon kay Dr. Keith Dela Cruz, may-ari ng Petropolis Nuvali Clinic, karaniwan ang heat stroke sa mga alagang hayop sa ganitong panahon na sobrang init.
“Mas prone do’n ‘yung matataba na aso o ‘yung malalaki. Kung nasa loob ng bahay pero do’n sa loob ng room ay walang ventilation, puwede pa ring ma-heat stroke,” aniya.
Ipinaliwanag ng doktor ang ilan sa mga senyales na nakakaranas ng heat stroke ang isang hayop.
“‘Pag nakikita mo na it’s beginning to pant, tapos nagsa-salivate siya, medyo weak, tapos ‘yung breathing niya… makikita mo may abdominal breathing do’n sa tiyan, ‘yung mabilis, and then sometimes they just lie down with the belly touching the ground kasi ang gusto nila, ma-refresh ‘yung temperature ng katawan nila,” paliwanag ng duktor.
Mayroon naman daw mga paraan para matulungan ang mga alaga ngayong panahon ng tag-init.
“If possible, kung merong electric fan… ‘yun yung makakatulong, also sa shade puwede. We should provide clean, cool water always. Lalo na sa ganitong summer temperature,” ani ni Dela Cruz--Julia Mari Ornedo/FRJ,GMA News