Bagaman mild symptoms o mga sintomas lang ng mga karaniwang sakit ang nakikita sa mga batang nagpositibo sa coronavirus disese 2019 (COVID-19), ipinayo ng mga eksperto na hindi ito dapat balewalain upang maisalba ang buhay nila.
"Maaaring ang kanilang nararamdaman ay konting ubo, puwedeng nilalagnat," sabi ni Dr. Anna Lisa Ong-Lim, ang presidente ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines, sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.
"'Yung iba po ay sumasakit lang ang lalamunan o kaya may mangilan-ngilan, under 10 percent, na pagtatae lang ang nakikita," idinagdag niya.
Base sa datos mula sa Department of Health sa mahigit 10,000 kaso sa Pilipinas hanggang nitong Mayo 6, lumilitaw na 420 o four percent ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay nasa edad na 18 pababa.
Samantala, walong pasyente o dalawang porsyento sa naturang age group ang pumanaw, at 30 o pitong porsyento ang gumaling na mula sa virus.
Payo pa ni Lim sa mga magulang, obserbahan kung nagkakaroon ng pagbabago sa pag-uugali ng kanilang mga anak kung magpakita ito ng mga sintomas ng sakit tulad ng ubo, sipon, at pananakit ng katawan.
"This is very challenging both for parents and also for the doctors, kasi nga medyo may pagkatraydor po itong sakit na ito eh. Kasi katulad po siya ng ordinaryong ubo't sipon, ordinaryong trangkaso," aniya.
"Ngayon, ang mga babantayan po natin eh 'yung labis na katamlayan ng bata, mas madalas pang matulog kaysa gumising, hindi na po naglalaro. Itong mga sintomas na ito, ke ano pa 'yung sakit na iyan, kailangan talagang makita na sa pinakamalapit na health facility," idinagdag niya.
Hinikayat din si Lim na bigyan ng prayoridad ang pagbabakuna para sa mga bata.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News