Hinahangaan ang isang nurse sa Davao na bumibili ng mga pagkain para ibigay sa mga walang tahanan at sa bangketa lang natutulog.
Sa ulat ni JM Encinas sa Stand For Truth, inilahad ng uploader na si Hafiz Marohombsar, na ito ang ginagawa ng kaibigan niyang nurse na si Cha Dapatnapo.
Ginagawa raw ito ng kaniyang kaibigan pagkatapos ng trabaho at bago umuwi.
"Nakaka-proud kasi siya 'yung nag-initiate gumawa ng good deeds, naimpluwensiyahan niya kami na magbigay also sa mga nangangailangan," sabi ni Marohombsar.
Para sa nurse na si Cha, mahalaga na magkaisa at magandang simulan ito sa pagtulong sa kapwa, ngayong nahaharap ang bansa sa krisis dulot ng COVID-19.
"I guess everyone has a heart or initiative to help everyone. Since three times naman akong naglalakad pauwi, nakita ko 'yung mga tao sa lansangan na mas nangangailangan specially this ECQ," sabi ni Dapatnapo.
"Ang nag-inspire talaga sa akin is 'yung mga magulang ko. Siyempre since halos lahat ng mga nasa lansangan ay mga matatanda, since 'yung parents ko are both seniors, so parang naisip ko rin na itong mga taong ito, nangangailangan din sila," paliwanag niya. --Jamil Santos/FRJ, GMA News