Sa edad niyang 120, itinuturing na pinakamatandang tao sa Pilipinas si Lola Francisca Monter ng Negros Occidental. Alamin ang sikreto umano ng kaniyang mahabang buhay.
Sa programang Front Row, ipinakita ang araw-araw na pag-aalaga ni Merlyn Susano sa kaniyang lola na si Isca.
Madalas daw magising si Lola Isca tuwing ala-una o alas-dos ng madaling araw kaya pinapakain niya para makatulog muli. Pagsapit niya ng 6 a.m., muli itong magigising.
Dahil sa kaniyang kalagayan, panay na ang aray ni Lola Isca sa tuwing binubuhat siya para paliguan at bihisan. Nilalagyan din ng gamot ang kaniyang kaliwang paa na may sugat.
Ayon kay Merlyn, pumanaw na ang tatlo sa apat na anak ni Lola Isca. Ang natititira nitong anak, nasa 97 o 98 na ang edad.
Dating inalagaan si Lola Isca ng anak na si Ernesto Susano, na nagpainom sa kaniya ng mga herbal.
Sinabing lahat ng anak ni Lola Isca ay marunong magpa-deliver ng baby at mga lahi ng native doctor, na dumedepende sa herbal. Sa kabutihang palad ay hindi nagkasakit si Lola Isca.
Ipinakita ni Merlyn ang mga sangkap ng kinakain ni Lola Isca na sinasabing sikreto niya sa mahabang buhay, tulad ng mushroom na "tainga ng daga."
"Hindi siya ma-oily, ayaw niya ma-vetsin at light lang ang asin talaga. Bawas-bawas sa meat, more on vegetables talaga si lola," sabi ni Merlyn.
Panoorin buong kuwento tungkol kay Lola Isca sa video na ito:
--Jamil Santos/FRJ, GMA News
KILALANIN
Ang pinakamatandang tao sa Pilipinas at ang sikreto ng mahaba niyang buhay
Agosto 29, 2018 6:44pm GMT+08:00