Bakit nga ba ipinagdiriwang ang Philippine-Spanish Friendship Day tuwing June 30, at ano ang kaugnayan nito sa makasaysayang pagkubkob ng huling grupo ng mga sundalong Espanyol sa isang simbahan sa Baler?

Sa 30 June 2018, gugunitain ang ika-119 na taon ng proklamasyon ni Heneral Emilio Aguinaldo mula sa kaniyang punong himpilan sa Tarlac, Tarlac noong 1899 na tumitiyak sa kaligtasan ng mga huling sundalong Espanyol sa Pilipinas na sumuko matapos ang isang taong pagkubkob sa Baler.

Nakubling kasaysayan

Sa maraming aklat, ang pagtatapos ng pananakop ng Espanyol sa Pilipinas ay bunga ng isang panlilinlang.

Nang nananalo na ang puwersang Pilipino sa mga Espanyol noong 1898, nakipag-usap ang mga Espanyol sa mga Amerikano upang magkaroon ng isang pekeng labanan noong August 13, 1898 kung saan susuko ang ating mga kolonisador sa mga ito. Ang dahilan, ayaw nilang mapahiya at mas gugustuhin nilang sumuko sa mga Amerikano kaysa sa mga Pilipino.

Sa kabila ito ng mga pangako ng mga opisyales na Amerikano na kikilalanin nila ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa  Espanya.

Ngunit ayon kay Dr. Jaime B. Veneracion, nang siya ay nagtungo sa Espanya, nasorpresa siya na liban sa Maynila, ang tanging lugar sa Pilipinas na alam ng mga Espanyol ay ang Baler, na ngayon ay nasa lalawigan ng Aurora. Ngunit bakit ang liblib na lugar na ito?

 


Ang mga sumuko sa pekeng labanan sa Maynila noong August 1898 ay hindi ang mga huling sumuko na mga Espanyol sa Pilipinas. Para sa mga Espanyol, bayani ang tinaguriang “Los Ultimos de Filipinas.”  Ilang beses pa ngang isinapelikula ang kanilang buhay nila.

Bakit nga ba kamangha-mangha ang kuwentong ito sa mga Espanyol?

“Siege of Baler”

Balikan natin ang June 1898. Matapos na lumaban muli sina Pangulong Heneral Emilio Aguinaldo sa mga Espanyol at iproklama ang kasarinlan, nagkuta ang ilang mga sundalong Espanyol sa lumang Simbahan ng San Luis Obispo de Tolosa sa Baler.

Noong June 26, nasa 800 na mga katipon sa pangunguna ni Teodorico Novicio Luna, kamag-anak nina Juan at Antonio Luna, ang kumubkob at pinalibutan ang simbahan. Dahil nabalitaan ng pinuno ng Katipunan Cirilo Gomez Ortiz ang kaawa-awang kalagayan ng mga sundalong Espanyol na nagsisiksikan sa isang maliit na lugar, nag-alok siya ng mga pagkain at damit sa mga ito para sa pagtigil ng laban.
Upang patunayan ang sinseridad, nagpadala pa siya ng mga yosi at minatamis. Tinanggihan ng mga Espanyol ang alok, sinabing tuloy ang laban, at kasama ng sagot ay isang alak na "Sherry" upang matungga ng mga Pilipino.

Halos isang taon na hindi sumuko ang mga Espanyol na pinangungunahan ni Tinyente Saturnino Martin Cerezo. Hindi tumigil ang mga Pinoy na lagi silang salakayin at umarkila pa ng dalawang magtatalik sa harap mismo ng simbahan upang takamin ang mga Espanyol upang sumuko na.

 


May dumating pang mga Amerikano na planong iligtas ang mga huling Espanyol upang sa kanila sumuko. Ngunit tinambangan sila ng mga Pilipino.

Ilang beses na pinadalhan ng diyaryo ang mga Espanyol upang ipaalam sa kanila ang balitang pag-alis ng mga Espanyol sa Pilipinas ngunit hindi nila ito pinapaniwalaan at inakala ng kanilang tinyente na gawa-gawa lamang upang sumuko sila.

Hanggang sa makarating ang isang diyaryo na nagsasabing ikakasal na ang isang kaibigan ni Cerezo. Dito na napagtanto ng tinyente na totoo nga na wala na ang iba nilang mga kasamang Espanyol sa Pilipinas.

Nagdesisyon itong sumuko na sa mga Pilipino matapos ang 337 araw na pagkukuta sa simbahan. Sa mahigit 50 sundalo na unang nagkuta sa Baler, 31 na lamang ang lumabas nang buhay noong June 2, 1899.

At nasorpresa sila sa kanilang paglabas dahil sinalubong sila ng mga Pinoy nang sumisigaw na, “Amigos, amigos!”

Sa Tarlac na noon ay kabesera ng Republika ng Pilipinas, opisyal na ipinahayag ni Pangulong Aguinaldo na, “Ang nasabing pangkat ay hindi dapat ituring na mga bihag, sa halip dapat tanggapin sila na mga kaibigan.”

Nakabalik nang maluwalhati ang mga sundalo sa Espanya.

Sa pagsisikap ng iba’t ibang indibidwal, kabilang na si Dr. Veneracion, isinulong ng namayapang taga-Baler na si dating Senador Edgardo Angara ang pagkakaroon ng Philippine-Spanish Friendship Day tuwing June 30. Ito ay dahil sa naturang araw ay kapwa naipakita ang tapang ng mga Espanyol at ang kabutihan ng mga Pilipino.

Simon Ocampo Tecson

Ipinakita rin na hindi natatapos ang kolonyalismong Espanyol sa pagsuko ng Espanya sa Amerika sa isang pekeng labanan, kung hindi sa Baler noong 1899, sa pagsuko ng kanilang mga sundalo sa nagsasariling pamahalaang Pilipino.

Si Simon Ocampo Tecson: Ang Nakakalimutang Bayani ng 'Siege of Baler'

Nakalulungkot isipin na sa maraming mga pagkukuwento ng Siege of Baler, tila nakalilimutang banggitin ang ambag ng pinuno ng mga rebolusyunaryo na taga-San Miguel de Mayumo, Bulacan na siyang nagpasya na mag-antay nang matagal sa mga nagkuta sa simbahan at nagbigay ng kagandahang loob sa mga sumukong Espanyol—si Simon Ocampo Tecson.

Dahil sa mga pagpupursige ni Dr. Veneracion na ipakilala ang Bulakenyo sa naratibo ng kapwa mga Espanyol at mga Pilipino, naging inspirasyon ng isa sa mga apo ni Simon na si Luis Zamora Tecson na isulat ang aklat na pinamagatang, "Remembering my Lolo, Simon Ocampo Tecson: Leader in the Siege of Baler."

Muling ipinapakilala ng aklat si Tecson na isinilang noong February 5, 1861 at nag-aral ng parmasiya sa Escolta. Pag-uwi sa Bulacan, sumapi si Simon sa Katipunan.

Isa siya sa mga matagumpay na lumusob sa Tambobong o imbakan ng pagkain at sa simbahan ng San Juan de Dios sa San Rafael, Bulacan. Si Simon din ay naging saksi sa tatlong tinatawag na republika sa Bulacan, ang Republika ng Cacarong de Sili na pinangunahan ni Maestro Sebio noong 1896; ang Republika ng Biak-na-Bato na isa siya sa lumagda ng saligang batas nito noong 1897; at ang Republica Filipina sa Malolos kung saan itinalaga siya ni Pangulong Heneral Emilio Aguinaldo na pangunahan ang pagkubkob sa Baler.

Lumaban sa Digmaang Pilipino-Amerikano, 1899 kaya naman nang sumuko noong February 12, 1901, naging matigas sa pagtangging manumpa ng katapatan sa Estados Unidos ay ipinatapon sa Guam noong June 16, 1901, at nakasama doon sina Apolinario Mabini, Melchora Aquino at Artemio Ricarte, na kapwa mga ayaw kumilala sa Amerika.

Ibinalik sa Pilipinas noong June 16 1901 ngunit makalipas ang isang taon ay sumakabilang-buhay siya noong November 15, 1903.

May mga nagsasabing dahil hindi taga-Baler si Simon kaya patuloy siyang naeetsapuwera sa paglalahad ng mahalagang kasaysayan nito. Ang Baler kasi ang sentro ng pagdiriwang na ito.

Mga positibong pamana ng mga Espanyol sa Pilipinas

Bagama’t hindi naman isinasawalang-bahala ang mga pagkukulang at pang-aabuso ng ilang mga Espanyol sa tatlong siglo nilang kolonyalismo, ang Philippine-Spanish Day ay mahalagang pagkakataon upang pag-usapan kung ano ang mga bagay na ihinalo ng mga Espanyol sa ating kultura at kasaysayan na nagkaroon sa atin ng positibong epekto.

Ayon kay Nick Joaquin, ang mga positibong pamanang ito ang tinawag niyang “The Twelve Greatest Events in Philippine History.”

Hindi ako lubos na sumasang-ayon dito sapagkat nasaan ang Himagsikang Pilipino? Ang patindig natin laban sa mga Hapones? Ang EDSA Revolution? Ngunit siguro, sinasabi niya na hindi rin basta-basta itong mga pamanang Espanyol sa Pilipinas.

Ano-ano ang mga ito:

Una, the introduction of the wheel. Bago ang mga Espanyol, karagatan ang ating mundo, hindi natin kailangan ng gulong;

Pangalawa, the introduction of the plow. Mas napadali ang ating pagsasaka;

Ikatlo, the introduction of the road and bridge. Sa pagpapakilala ng mga gulong, ipinakilala din ang mga kalsada;

Ikaapat, the introduction of new crops like corn, tobacco, camote, coffee, cocoa, beans, achuete, onion, potato, guava, papaya, pineapple, avocado, squash, lettuce, cucumber, cabbage, cincamas, and mani, at iba pa.;

Ikalima, the introduction of new livestock like the horse, cow, sheep, turkey, goose, carabao as draft animal at iba pa;

Ikaanim, the introduction of the fabrica or factory;

Ikapito, the introduction of paper and printing;

Pangwalo, the introduction the Roman alphabet. Nilimbag nila ang unang libro sa Pilipinas, ang Doctrina Christiana noong 1593, tinuruan si Tomas Pinpin, ang pinakaunang Pilipinong  tagapaglimbag, at nagkaroon ng UST Press na unang palimbagan sa Pilipinas, naging daan din ang paggawa ng mga diksyunaryo ng mga prayle upang maipalaganap at maingatan ang iba’t ibang wika sa Pilipinas;

Ikasiyam, the introduction of calendar and clock, at ilan pang mga siyentipikong mga pamana tulad ng mga ospital na San Juan de Dios at San Lazaro, ang ekspedisyon ni Dr. Francisco Xavier de Balmis noong 1803 na nakapagpadala ng mga bakuna laban sa smallpox, ang pagdokumento ng mga plants and zombies, este flowers sa Flora de Filipinas ni Padre Manuel Blanco Press noong 1837, ang pagsusulong ng pananaliksik sa agham pampanahon o meteorology sa Pilipinas na sinimulan sa Observatorio de Manila nina Padre Federico Faura at Padre José Algue, at ang mga paaralan tulad ng UST, Ateneo at Letran;

Pangsampu, the introduction of the map and the charting of the Philippine shape;

Ikalabing-isa, the introduction of the arts of painting and architecture. Bagama’t mayroon na tayong katutubo, siyempre, ipinakilala nila ang European style ng sining biswal, pag-awit ng harana, Pasyon, korido, komedya, zarzuela, moro-moro at ang pagsasayaw ng jota, ang arkitektura ng mga simbahan at mga bahay na bato, at ang pelikula.

At panghuli, the introduction of the Guisado at iba pang mga pagkain: relleno, menudo, mechado, puchero, carne asada, tortilla de patatas, tortang carne, arroz a la Cubana, arroz a la Valencia, ensalada de lechuga, macaroni with chorizo, leche flan at iba pa.

At siyempre, ano pa nga ba ang talaban ng kulturang Pilipino at Espanyol kung hindi isang malaking fiesta.
 

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kaniyang dating news segment na “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.

 

-- FRJ, GMA News