Sa unang pagkakataon mula nang maging lider ng bansa, pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggunita sa Araw ng Kalayaan nitong Martes sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite. Alam ba ninyo ang kahalagahan ng Aguinaldo Shrine sa kasaysayan ng kasarinlan ng ating bansa?
Ang Aguinaldo shrine ang tahanan ng kinikilalang unang pangulo ng bansa na si Emilio Aguinaldo.
Sa naturang balkonahe kung saan nagtalumpati si Duterte, iwinagayway ni Aguinaldo ang watawat ng bansa at kaniyang idineklara noong Hunyo 12, 1898, ang kalayaan ng mga Filipino laban sa mga Kastila na sumakop sa Pilipinas sa loob ng mahigit 300 taon.
Noong 1964, isinailalim sa pangangalaga ng National Museum of the Philippines at idineklarang national shrine ang bahay ni Aguinaldo sa bisa ng Republic Act No 4039.
Noong 1972, sa pamamagitan ng Executive Order No 370 ay inilipat ang pangangalaga ng bahay ni Aguinaldo sa National Historical Commission.
Isinilang noong Marso 22, 1869 si Aguinaldo, at pumanaw sa edad na 95 noong Pebrero 6, 1964.
Bago siya namayapa, nagawa ni Aguinaldo na i-donate sa pamahalaan ang kaniyang tahanan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News