Inihayag ni Jillian Ward na parehong chinito at moreno ang tipo niyang lalaki. Ang aktor na si Michael Sager kaya ang tinutukoy niya?

Sa Fast Talk segment ng Fast Talk with Boy Abunda, tinanong si Jillian kung chinito ba o moreno ang tipo niya sa isang lalaki.

Ngunit ang "My Ilonggo Girl" star, pareho ang isinagot.

"Chinito-moreno. Always," tugon ni Jillian.

Matapos ang segment, diretsahan na siyang tinanong ng King of Talk.

"Moreno-chinito. Maraming nagsasabi, 'Si Michael Sager ba ang tinutukoy ni Jillian?'" tanong ni Tito Boy.

“Actually, ang dami pong nag-iisip na siya. Pero masasabi ko po ang tinutukoy kong crush na ito, actually hindi siya ganu'n ka-moreno, hindi ko na-clear 'yun. And naka-work ko 'yung crush kong ito sa Abot-Kamay [Na Pangarap],” paliwanag ni Jillian.

Gayunman, hindi na ito pinangalanan ni Jillian.

"Nabulong ko kasi kay Tito Boy!" saad ng Star of the New Gen.

Nangako at nanindigan naman ang talk show host na hindi niya ito ilalantad.

Sa naturang Fast Talk segment din, inilahad din ni Jillian na hindi siya ang tipo ng babae na namamansin sa kaniyang crush, at may "apat" na nagpaparamdam sa kaniya sa ngayon.

Mayroon din siyang isang co-star sa Abot-Kamay Na Pangarap na nagpakilig sa kaniya.

Dalawang karakter ang gagampanan ni Jillian sa upcoming GMA Prime series na "My Ilonggo Girl," na sina Venice Hermoso, isang sikat na internet personality, at ang kaniyang doppelganger, ang magandang Ilongga na si Roberta “Tata” Magbanua.

Mapanonood na "My Ilonggo Girl" sa Enero 13 ng 9:35 p.m. sa GMA Prime. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News