Mahigit 400 taon na ang nakalilipas mula nang dalhin sa Pilipinas ang imahen ng Itim na Nazareno mula sa Mexico. Pero taliwas sa ilang kuwento, hindi raw totoong nasunog ang imahen kaya ito naging maitim.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Monsignor Jose Clemente Ignacio, dating rector ng Quiapo church, na sadyang gawa sa dark wood ang Poong Nazareno.
"Noong 17th century nung...yung type of wood na ginamit sa Nazareno ay dark wood ito. Pareho doon sa wood na ginamit raw sa Our Lady of Antipolo," saad niya.
Taong 1606, nang inilagak ang Poon sa simbahan ni San Juan Bautista sa Bagumbayan na kilala na ngayon bilang Luneta.
Dalawang taon makalipas noon (1608), inilipat naman ang imahen sa San Nicolas de Tolentino church sa Intramuros.
Taong 1650 pa lamang, kinilala na umano ni Pope Innocent the 10th ang masidhing debosyon sa Itim na Nazareno.
Hindi malinaw kung kailan nagsimula ang pagpu-prusisyon sa imahen pero noong 1767, ipinag-utos ng Arsobispo ng Maynila na ilipat ang Poon sa simbahan ng Quiapo kung saan na ito nananatili hanggang ngayon.
Sa website ng Quiapo church, nakasaad na "traslacion" ang tawag sa ginagawang paglipat sa Nazareno.
Sa painting ng artist na si Jose Honorato Lozano noong 1847 na pinamagatang "Yglesia Parroquial de Quiapo," makikita na ipinuprusisyon ang Itim na Poon.
Sa National Library, nakita namin ang mga larawan ng prusisyon na dagsa ang mga tao na lumabas sa isang magazine noong 1948.
Kuwento ni Eugenion Jungco, 71-anyos at isa sa mga pinuno ng Hijos ng Nazareno, mas kalmado ang emosyon ng mga deboto noong una niyang masaksihan noong 1961.
Pagkalipas umano ng tanghali inuumpisahan ang prusisyon at naipapasok umano muli sa simbahan ang poon pagsapit ng 4:30 pm o kaya naman ay 10:00 o 11:30 p.m.
Ngayon, madalas ay hatinggabi o madaling araw na nakababalik ng simbahan ang Itim na Nazareno.
Sa Quiapo lang umano noong umiikot ang prusisyon pero nagkaroon ito ng pagbabago sa paglipas ng panahon.
"Quaipo area lang talaga. Lalabas ng Villalobos, kakanan ng Echague. Kung 'di naman P. Gomez ang kanan mo, Estero Segado, tapos kinakanan ng Paterno. Kung minsan naman Raon pabalik naman ng Quezon Boulevard punta ng ilalim ng tulay," kuwento pa ni Jungco.
Nabago ito simula noong 2007, kung kailan ginawang Quirino Grandstand na ang simula ng prusisyon, na paggunita sa unang traslacion ng Poon na papuntang simbahan ng Quiapo.
"Unang-una yung safety ng mga tao kasi ay dumadami na ang deboto at nagsisiksikan lang dito sa Quiapo. Napagpasyahan nilang simulan na lang sa Luneta 'yon yung Bagumbayan noong araw at ire-renact itong traslacion, itong paglipat ng mahal na Poon papunta dito sa Quiapo," paliwanag ni Monsignor Ignacio.
Napag-alaman din na ang orihinal na katawan lamang ng imahen ang iprinuprusisyon, habang ang orihinal na ulo kasi ng Nazareno ay nakakabit naman sa replica na katawan na nasa loob ng Quiapo church. -- FRJ, GMA News