Noong unang araw nitong bagong taon, sinalakay ng apat na armadong lalaki ang isang hotel sa Pasay City, at tinangay nila ang aabot sa milyong halaga ng pera at mga kagamitan ng hotel at ilang guests nito.

Sa segment na "Kapuso sa Batas" sa "Unang Hirit," sinabi ni Attorney Gabby Concepcion na posibleng may pananagutan ang hotel dahil naghihigpit na ang batas at jurisprudence sa bansa ukol dito.

Ayon daw sa Article 1999 ng Civil Code of the Philippines, may pananagutan ang mga hotel sa mga gamit, sasakyan at hayop na pinapasok sa mga premises nito.

Ngunit nilinaw ni Attorney Gaby na hindi "absolute" ang pananagutan ng mga hotel. Bagama't kasama sa pananagutan ang pagnanakaw o pagkawala ng mga gamit gawa ng mga empleado ng hotel o ng ibang tao, hindi raw pinapanagot ng batas ang mga hotel sa mga kaso ng "force majeure" o hindi mapipigilang pangyayari.

Sinabi ni Attorney Gaby na ang "force majeure," ayon sa Article 2001, ay mga insidente na itinuturing na "unforeseeable," o kung "foreseeable" man, ito ay naiwasan sana, katulad ng mga holdup kung saan gumagamit ng armas ang mga third party.

Gayunpaman, kailangan pa rin imbestigahan kung nagkaroon ng sabwatan, dahil sa kaso ng pagnanakaw sa hotel sa Pasay, may anggulo ang pulisya na maaaring kasabwat ang guwardiya.

Sinabi ni Attorney Gaby na sa huli, basehan pa rin ang pagpapabaya o "negligence" ng mga hotel bilang "liability," lalo na kung nagkaroon ng "loss" o "injury" dahil dito.

Kaya naman posibleng may naging kapabayaan ang hotel sa Pasay sa usapin ng seguridad.

May binanggit si Attorney Gaby na isang kaso sa Korte Suprema, na namatay ang isang guest sa isang five-star hotel dahil sa murder. Sinabi raw ng korte na bagama't hindi tahasang saklaw ng hotel ang "safety" at "security" ng mga guest, may issue pa rin ng pagpapabaya dahil kulang ang kanilang seguridad.

Dagdag pa ng korte, dapat mas alam ng hotel ang nararapat gawin para masiguro ang seguridad ng guests.

Hindi rin daw puwede sa batas ang mga kontrata ng mga hotel sa kanilang guests na nagsasaad na "the hotel will not be liable for any losses incurred." Ang mga kontratang ito raw ay magiging "void" at hindi puwedeng bawasan o babaan ng hotel ang kanilang pananagutan para sa mga gamit na nawala sa kanilang premises. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News