Nag-viral ang isang pulis na lasing umano na nakunan sa video na nakabangga ng motorista gamit ang police mobile sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video ng pagtatalo ng naka-unipormeng pulis at isang motorista.
"Lasing po kayo eh, binangga niyo po ako eh," giit ng motorista.
"Anong lasing sir? Hindi ako lasing," depensa naman ng pulis.
"Sige po, itaas ninyo ang isang paa niyo. O 'di ba tumutumba kayo?" sabi ng motorista.
Binuksan din ng kumukuhang motorista ang mobile ng pulis upang tingnan kung may kasama ito.
Makikita sa video ang logo ng Bacoor Police na naka-display sa police mobile.
Kinumpirma ng Bacoor Police na sa kanila nakadestino ang mga nakunang pulis sa video.
"I would confirm na 'yung dalawang pulis sa viral video sa Facebook ay personnel ng Bacoor PNP and they are member of SWAT," sabi ni Police Lieutenant Colonel John Paolo Carracedo, chief ng Bacoor Police.
Naganap ang insidente noong Setyembre 21 ngunit in-upload lang sa social media noong Oktubre 9.
Sa mismong araw lang din ng pag-upload nalaman ng Bacoor Police na may naganap na ganitong insidente. Subject na ng kanilang imbestigasyon ang video.
"They are on duty. Ang event natin noon is 'yung Bacoor Festival that time. So they're providing security doon sa venue. Pagkatapos ng event, pabalik na sila sa post nila dito sa San Nicolas 3 at 'di umano ay nagkaroon ng aksidente nakabangga 'yung mga pulis natin," sabi Carracedo.
Gayunman, hindi kinumpirma o itinanggi ni Carracedo kung lasing nga ang mga pulis, kundi susundin nila ang due process.
Hindi naghabla ang motorista ngunit matapos mag-viral ng kaniyang video, hinikayat siya ng Bocor Police na makipagtulungan sa kanila upang maisampa ang kaukulang kaso.
Nakapaghain na ng administrative case ang Bacoor Police laban sa dalawa nilang personnel na nakadestino muna sa Cavite Provincial Police Headquarters.
Tumanggi na ang chief of police na ibigay pa ang kanilang pagkakakilanlan at ipakausap sila sa media. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News