Ipinakita ang mala-resort na bagong disenyo ng "Bahay Pangulo" na tirahan ng pangulo ng bansa, at nasa loob ng Malacañang Park.
Sa isang ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “Unang Balita,” sinabing ginawang mala-resort ang disenyo ng naturang lugar para maging relaxing ang feeling ng pangulo pag-uwi pagkatapos ng trabaho.
“Ang gusto lang ni First Lady [Liza Araneta-Marcos], ‘I want you to make it feel like a resort.’ Sabi ko, ‘Anong architectural style?’ Sabi niya, ‘Kahit parang Asian modern,’” ayon kay architect Conrad Onglao
May personal touch din umano ng Unang Ginang sa disenyo ng bahay dahil siya ang pumili ng mga gamit dito na karamihan ay nabili sa Pampanga.
Ilang paintings na hindi nagagamit, pati na ang mga obra ng national artist na si Fernando Amorsolo, ang inilagay sa presidential house mula sa Malacanang.
May swimming pool din sa presidential house na lagi umanong ginagamit ni First Lady tuwing umaga bilang exercise. Habang sa gym room naman na may cardio machine at weights regular na nagwo-workout si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mayroon din itong billiard tables, board games, arcade machine, at racing simulator, na madalas na paglaruan ni presidential son Vincent Marcos.
Ang pangulo at unang ginang lang ang nakatira sa presidential residence, pero nagpupunta naman dito ang iba pang miyembro ng pamilya tuwing Linggo para magmisa at magsama-sama.
Dating “Bahay Pangarap” ang tawag sa lugar na ipinaayos nang maupo si Marcos noong 2022 dahil inaanay na at binabaha.
“Tinaas namin yung elevation. So kahit tumaas yung Pasig River, hindi na papasok yung tubig. Saka naglagay kami ng sand pump,” ani Onglao.
Sa tibay ng bagong disenyo ng presidential residence, tatagal na ito ng 20 hanggang 50 taon. —FRJ, GMA Integrated News