Nagtala ng nakabibilib na panalo si dating three-division champion John Riel Casimero kontra sa Amerikanong si Saul Sanchez na kaniyang pinatumba sa unang round pa lang ng nakatakda nilang 10-round bout nitong Linggo sa Yokohama Budokan, Japan.
Sa simula pa lang ng laban, kaagad na naging aktibo si Casimero sa pagpapakawala ng matitinding suntok.
Tinamaan si Sanchez na dahilan para mapatukod ito at mabilangan ng referee sa loob pa lang ng 30 segundo ng first round.
Nang ipagpatuloy ang laban, muling umatake ang Pinoy fighter at tinamaan ng left hook si Sanchez na dahilan para bumulagta ito sa ring.
Nagawa naman ni Sanchez na makabangon muli sa ikalawang pagbagsak pero hindi na siya tinantanan ng atake ni Casimero hanggang ipatigil na ng referee ang laban.
Idineklarang panalo si Casimero via technical knockout sa markang 2:41 sa first round.
Ayon kay Casimero, taktika niya na tapusin na agad ang laban at huwag nang paabutin pa ng second round.
Dahil sa panalo, umangat ang record ni Casimero sa 34-4-1 na may 23 knockouts. —mula sa ulat ni JM Siasat/FRJ, GMA Integrated News