Nasawi umano sa aksidente ang isang Pinay nurse na noong Agosto lang lumipad patungong Abu Dhabi para magtrabaho upang mabigyan ng magandang buhay kaniyang pamilya. Pero ang mister niya, may pagdududa kaya humihiling siya na maimbestigahan kung ano ang tunay na nangyari sa kaniyang 32-anyos na misis.
Sa isang ulat ng The Khaleej Times, sinabing nagtatrabaho ang OFW sa Al Raiaa Home Health Care.
“She was able to finish her shift from morning until afternoon on Saturday, but that was our last contact with her,” pahayag umano ng HR-in-charge ng kompanya.
“She was supposed to be on duty on Sunday but when we tried calling her, she wasn't picking up. We reached out to her accommodation, friends, but we couldn't get hold of her,” dagdag nito.
Nitong Lunes, nakatanggap umano ng impormasyon ang home care company na nasawi ang nurse sa isang car accident noong Linggo ng gabi.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, kinilala ang nasawing nurse na si Reyna Jane Ancheta.
Nitong Agosto lang umano lumipad papunta sa Abu Dhabi si Ancheta para magtrabaho doon upang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya at matapos ang ipinapagawang bahay sa Nueva Vizcaya.
Ayon sa mister niyang si Kenneth, tatlong araw niyang hindi nakontak ang kaniyang asawa mula noong October 6.
“Maghapon ng Sunday hindi siya nag-reply, ang akala ko naman ah baka walang WiFi. Nung Monday mine-message ko pa rin, magtatanghali na, wala pa rin. Doon na po ako nag-report,” sabi ni Kenneth.
Nakipag-ugnayan daw siya sa agency ng asawa at mga kaibigan nito sa Abu Dhabi matapos na hindi makontak ang kaniyang misis.
Noong October 8, nakatanggap umano siya ng impormasyon mula sa agency na nakita ang kaniyang asawa sa highway na papunta sa Dubai, na dalawang oras ang layo mula sa Abu Dhabi.
“Nagulat po ako dun…Hindi po ako makapaniwala na ganoon ang nangyari sa wife ko po,” ani Kenneth.
Ngunit nagtataka siya kung bakit wala umano ang cellphone at Emirates ID ng kaniyang misis nang matagpuan ito.
Pero sa sumunod na impormasyon na sinabi umano sa kaniya ng agency, sa car accident nasawi si Reyna Jane.
“Car collision, nasa loob naman daw siya ng sasakyan, binunggo naman daw ng sasakyan nila,” ani Kenneth. “Doon na ako nag-doubt talaga na may something, which is may cover-up na nangyari.”
Binalikan din ni Kenneth ang pag-uusap nila noon ni Reyna Jane na may dalawa umanong dayuhan na nagkakagusto sa huli sa tinutuluyan nitong dorm.
May kahina-hinala rin daw na bagong nakilalang Pilipino doon ang kaniyang asawa.
“Natatakot siya every night na umuuwi. Di ba uso doon yung binebenta?',” saad ng mister.
Nais ni Kenneth na magtungo sa Abu Dhabi para personal na malaman kung ano ang nangyari sa kaniyang misis.
“Ang gusto ko lang talaga hustisya para sa wife ko.Gusto kong malaman at makita ang proof na vehicular accident talaga,” hiling niya. “Kung vehicular accident tapos may naipakita siya na proof na siya talaga yun dun ako mapapanatag.”
Nanindigan naman ang agency ni Reyna Jane na naaksidente talaga ang OFW, at hindi lang nila kaagad nakuha ang buong detalye ng pangyayari.
“We have limited information din kasi kahit mayroon pang counterpart sa Abu Dhabi,” sabi ng tauhan ng MITC International Manpower Agency.
Sinabi naman ng Department of Migrant Workers na hinihintay pa nila ang opisyal na ulat tungkol sa sinapit ng Pinay nurse.
Tiniyak nila na suportado nila ang pamilya ng nasawing nurse.
Nakikipag-ugnayan din umano sila sa asawa ni Reyna Jane na nakatakdang lumipad patungong Abu Dhabi.-- FRJ, GMA Integrated News