Pumasok sa plea bargain agreement sa California, USA ang isa umanong opisyal ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na pinamumunuan ni Pastor Apollo Quiboloy, kapalit ng mas mababang sentensiya sa kinakaharap niyang kaso na conspiracy to commit immigration fraud.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing isa si Marissa Duenas, sa mga administrador sa operasyon ng KOJC sa Amerika.
Nakapaloob umano sa kasunduan na pinasok ni Duenas sa US Attorney's Office, ang pag-amin niya na kabilang siya sa mga nag-asikaso sa mga pekeng kasal ng mga kasamahan sa KOJC at mga miyembro nila na US citizens.
Ayon sa US Department of Justice, si Duenas din ang nag-asikaso ng mga pekeng pasaporte at immigration documents ng ilang kasamahan sa KOJC para manatili sa Amerika.
Noong 2022, pumasok din sa plea deal ang kapuwa niya akusado na si Maria De Leon, na nakatakdang sentensiyahn sa Enero 2025.
Pero itinanggi noon ng kampo ni Quiboloy na miyembro nila si De Leon.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang kampo ni Quiboloy kaugnay naman sa plea deal ni Duenas.
Nakadetine ngayon si Quiboloy matapos arestuhin dahil sa iba't ibang kasong kinakaharap sa Pilipinas tulad ng human trafficking at child abuse.
Sinampahan din si Quiboloy ng mga kaso sa Amerika gaya ng sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children at bulk cash smuggling. —FRJ, GMA Integrated News