Namataan ang dose-dosenang raccoon na pinalilibutan ang bahay ng isang babae para manghingi ng pagkain sa Washington sa Amerika.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing napatawag ang babaeng residente sa mga awtoridad dahil sa pagdagsa ng mga raccoon sa lugar.

Sinabi ng mga awtoridad na nanghihingi ng pagkain ang mga raccoon.

Ayon sa residente, mangilan-ilan lamang ang mga pinakakain niyang raccoon sa nakaraang tatlong dekada, ngunit dumami umano ang mga ito sa mga nakalipas na linggo at pinalibutan na ang kaniyang bahay.

Hindi na umano makaalis sa lugar ang babae dahil sa agresibong kilos ng mga raccoon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News