Simula sa Linggo, July 23, ipatutupad na ang Executive Order 26 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa. Pero may nakikitang posibleng maging legal na usapin tungkol sa implementasyon ng kautusan ang 'Kapuso sa Batas' na si Atty. Gaby Concepcion. Alamin.
Sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Atty. Gaby na sa personal niyang pananaw at puntong legal, ang nakikita niyang posibleng maging isyu sa EO 26 ni Duterte at sa umiiral na Republic Act 9211, tungkol sa regulasyon ng tobacco products -- ay na kasama sa probisyon ang tungkol sa pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Pagdating sa paglalarawan o pagtukoy sa mga "pampublikong lugar" na bawal ang manigarilyo, ano ang mangingibabaw; ang nakasaad ba sa EO na mula sa Malacañang, o ang nakasaad sa RA 9211, ang batas na ginawa ng mga mambabatas.
Paliwanag ni Atty. Gaby, minsan na ring nagpatupad noon ng sariling anti-smoking campaign ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at nagtakda rin ng mga pampublikong lugar na bawal na manigarilyo.
Pero nakarating umano sa korte ang usapin nang magreklamo ang kanilang hinuling naninigarlyo sa sidewalk, at kinatigan ng korte ang nagrereklamo dahil hindi umano kasali ang sidewalk sa pampublikong lugar na nakasaad sa RA 9211.
Mangyari din kaya sa Department of Health na inatasang magpatupad ng EO 26, ang nangyari noon sa kampanya ng MMDA?
Panoorin ang pagtalakay na ito ni Atty. Gaby sa usapin:
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ/KVD, GMA News